Diktadurang Estrada sa Maynila, lalabanan
Percy Lapid
September 14, 2015
Opinion
TAMA na, sobra na, palitan na!
Ito ang sama-samang isisigaw ng mga manininda na bumubuo ng Save Manila Public Market Alliance (SAMPAL) sa ilululunsad na Market Holiday ngayong araw (Setyembre 14).
Ibig sabihin, isasara ng SAMPAL ang lahat ng pampublikong pamilihan sa lungsod bilang protesta sa pagsasapribado ng administrasyong Estrada sa 17 public markets sa ilalim ng Manila Joint Venture Ordinance #8346.
Hindi muna magtitinda ang vendors sa mga palengke ng San Andres, Trabajo, Sta. Ana, Sampaloc, Quinta, Paco, Dagonoy, Pritil, at sa mga lugar sa Rizal park, Pedro Gil, Padre Faura at Manila Bay area.
Tulad nang inaasahan, mistulang sangganong pinagbantaan ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada na ipaaaresto ang mga lalahok sa Market Holiday.
Ayon sa SAMPAL, hindi sila natatakot sa banta ni Erap, bagkus ay lalo nilang ipupursige ang kilos-protesta at magmamartsa sila hanggang Manila City Hall upang ipamukha kay Erap ang tahasang pagtutol nila sa mga anti-mahirap na patakaran ng kanyang administrasyon.
Nakahanda ang kasapian ng SAMPAL na makulong dahil sa pagtatanggol sa kanilang kabuhayan na inaagaw sa kanila ni Erap.
Hindi naman puwedeng sagkaan ang karapatan ng Flipino na ihayag ang kanyang saloobin, garantisado ito ng Konstitusyon.
Nguni’t sa isang ex-convict na walang kinikilalang batas ay balewala ito kaya nakahanda ang SAMPAL na muling ipalasap kay Erap ang sama-samang pagkilos ng mga mamamayan para tuldukan ang kanyang korupsiyon at pagmamalupit sa mahihirap.
Ano kaya ang gagawin ng ex-convict sa People Power sa Maynila?
Abangan!!!
“Kumpareng-Putik” si Erap
SI Erap ang nagdarasal na makulong sana si Vice President Jejomar Binay dahil sa mga kaso ng korupsiyon at si Sen. Grace Poe nama’y i-disqualify ng Senate Electoral Tribunal (SET).
Bagama’t hindi niya direktang inihayag, ito ang malinaw na mensahe ni Erap sa administrasyong Aquino para makatakbo siyang muli bilang presidential bet sa 2016 elections.
Kaibigang-putik talaga si Erap, iba ang sinasabi sa kanyang ginagawa.
Kapag kaharap niya sina Binay at Poe, kunwari ay kasangga siya pero kapag nakatalikod ay sinasaksak niya nang pailalim.
Sakaling makatakbong pangulo, gagamitin ito ni Erap kapalit ng pagpapalaya sa anak na si Sen. Jinggoy sa kulungan bilang compromise dahil hindi naman siya mananalo kay Mar Roxas at para hindi siya makasuhan sa lahat ng ginawa niyang kawalanghiyaan sa Maynila.
Susmayosep kaya nga kabilang tayo sa umaasa na matuloy sana ang pagsabak ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa 2016 presidential race para matuldukan na ang mga kahayupan ng mga trapo sa bansa.
Cabinet member sa Malacañang ang backer nina Jaime at Anna
ALAM ba ng isang cabinet member sa Malacañang na ginagamit ng dalawang smuggler sa Bureau of Customs (BoC) ang kanyang pangalan sa kanilang smuggling activities?
Sakaling hindi pa, dapat siyang mabahala dahil baka wala siyang kamalay-malay na matagal nang ginagasgas ng dalawang smuggler na sina Jaime at Anna ang kanyang pangalan sa pagpupuslit ng mga kontrabando sa bansa na nagmamaskarang consolidator ng mgabalikbayan box.
Malaking halaga ng buwis ang nalulugi sa pamahalaan bunsod ng talamak at hindi masawatang smuggling sa Customs, at kabilang sina Jaime at Anna sa mga pusakal na sumasabotahe sa ekonomiya ng bansa.
Ang masaklap, hindi man direkta, kasama ang pangalan ng nabanggit na cabinet member na ipinangangalandakang pumapadrino sa smuggling ng kompanyang Season Garment nina Jaime at Annasa Customs.
Sabi ng mga miron, ang garapalang smuggling daw ang dahilan kaya’t pinagtatawatan, hindi inirerespeto at hindi kinatatakutan ng mga kawatan sa Customs ang “tuwid na daan” ng administrasyong Aquino dahil mismong opisyal din pala sa Malacañang ang nagsisilbing backer sa smuggling activities ng mga gaya nina Jaime at Anna na smugglers.
Uy!!! Sec. Edwin Lacierda, ‘di ba tanging ina this?
P200K para ibasura ang kaso sa Maynila
IPINANGANGALANDAKAN ni Ligayang Bruha na nagbigay raw siya ng P200,000 sa isang piskal sa Maynila para ibasura ang kinakaharap na panibagong kasong kriminal.
Laking gulat daw niya nang sumampa ang asunto sa korte kaya ang duda niya ay hindi nakarating sa piskal ang kuwartang ipinabigay niya na pang-areglo sa dalawang kasong kriminal na kanyang kinakaharap.
Gustong palabasin ni Ligayang Bruha na hindi lang pulis, media at mga taga-City Hall ang nasa bulsa niya kundi pati mga piskal at huwes sa Maynila.
Sa pagkaalam natin, ang tinutukoy ni Ligayang Bruha na Assistant Chief Prosecutor sa Maynila ay hindi pa natin nabalitaang nasangkot sa anomang isyu ng korupsiyon kaya kapag nakarating sa kanya ang mga paninira ng “Reyna” ng illegal terminal sa Lawton ay tiyak na magagalit ito.
Ang tinutukoy ni Ligayang Bruha na kaso niyang isinampa sa korte ay ang Criminal Case No. 15-319156 at Criminal Case No. 15-319157 sa isang sala sa Manila Regional Trial Court.
Alam kaya ni Manila Chief Prosecutor Edward Togonon ang ipinagkakalat ni Ligayang Bruha ay makasisira sa kanyang hanay?
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]