DETERMINADO ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao na lalong pagbutihin ang pagiging playing coach niya sa Mahindra sa PBA.
Noong Sabado ay umiskor si Pacquiao ng 19 puntos, kabilang ang limang tres, sa tune-up na laro ng Enforcers kontra Gold Star ng Davao kung saan nagtala ang Mahindra ng 108-69 na paglampaso sa kalaban.
Sa huling PBA season ay umiskor si Pacquiao ng isang free throw para sa Kia nang tinalo nito ang Blackwater, 80-66, sa Philippine Arena sa Bulacan.
”Very satisfied naman si coach Manny,” wika ni Mahindra assistant coach Chito Victolero. “We’re here hoping to improve on our weaknesses and also kung ano man ‘yung strength ng team, mapaganda pa namin.”
Gumaling na ang pilay sa balikat ni Pacquiao pagkatapos na magpa-opera siya noong Mayo.
Napilay si Pacquiao pagkatapos na matalo siya kay Floyd Mayweather Jr. sa Las Vegas.
Samantala, idinagdag ng team manager ng Mahindra na si Eric Pineda na mas magiging aktibo si Pacquiao sa pagku-coach ng Enforcers dahil matagal pa bago siya makabalik sa pagiging boksingero.
Kamakailan ay nagpalakas ang Mahindra nang kinuha nito sina KG Canaleta at Aldrech Ramos mula sa NLEX at si Rob Reyes mula sa Talk n Text.