Market vendors sa Maynila umalma na sa ‘privatization’
Percy Lapid
September 2, 2015
Opinion
MAGLULUNSAD ng “Market Holiday” o isasara ng market vendors sa pito sa 13 pampublikong palengke sa Maynila sa Setyembre 14.
Ito’y bilang protesta sa walang habas na pagsasapribado ng administrasyong Estrada sa mga public market sa siyudad na magreresulta sa pagkawala ng kanilang kabuhayan.
Ipinadama ng mga tindero sa Dagonoy Public Market sa San Andres ang unang bugso ng kanilang kilos-protesta nang isara ang palengke noong Lunes.
Naging bisyo kasi ng administrasyong Estrada na isantabi ang mga manininda bilang stakeholder sa pagpasok sa joint venture agreement sa mga pribadong kompanya sa pagsasapribado ng public markets.
Samantala, pangunahing patakaran sa public-private partnership program (PPP) ay konsultahin muna dapat ang lahat ng stakeholder, pakinggan ang kanilang panig at isaalang-alang sa pagpapasya.
Tatambakan ng kaso sa Ombudsman
IGINIGIIT ng administrasyong Estrada na legal ang kanilang diskarte sa public market dahil itinakda ito sa ipinasang Ordinance 8346.
Pero ayon sa 2009 Philippine Cooperative Code, pinahintulutan ang mga kooperatiba, kasama ang market vendors, na pamahalaan ang public markets.
Ito ang dahilan kaya inimpormahan na lang ng “mafia” sa City hall ang market cooperatives na naisapribado na ang palengke para hindi makapalag at makapaghabol.
Malinaw na ang ginawa nila’y labag sa doktrinang “an ordinance cannot supersede a national law,” maliban pa sa hindi dumaan sa bidding ang kontrata at ipinagkaloob ito sa kuwestiyonableng kompanya.
Nangyari ito sa privatization ng Quinta Market na nasungkit ng Marketlife Management and Leasing Corp. (MMLC) na hindi dumaan sa bidding at walang sapat na puhunan para isakatuparan ang proyekto.
Kaya nagsampa ng reklamo ang mga manininda laban kay convicted plunderer at ousted president Joseph Estrada sa Ombudsman.
Habang sa isyu naman ng Dagonoy Public Market, binigyang-diin ni Saturnino Galvez, pinuno ng San Andres Vendors and Community Multipurpose Cooperative, na hindi na kailangan pumasok sa JVA ang gobyerno sa XRC Mall Developers Inc., dahil may sapat na pondong nakatabi mula pa noong 1989 para sa rehabilitasyon ng palengke.
Ang “sinking fund” ay 30% ng annual gross market revenues na ayon sa Republic Act 6039 ay maaaring gamitin para sa pagpapatayo ng isang bagong palengke.
Sabi ni Galivas, puwedeng gamitin ito para tustusan ang rehabilitasyon ng Dagonoy Market.
Akala yata ng “mafia” sa City Hall ay hindi kayang kilatisin ng mga manininda ang pangwawalanghiya sa kanila.
Hindi sila papayag na ninanakaw na ang pondo ng bayan, ninanakaw pa pati ang kanilang kabuhayan.
Kaya ang ganti nila ay tatambakan ng kaso sa Ombudsman ang sentensiyadong mandarambong para maibalik sa selda.
Grabe ang krimen sa Maynila
BUKOD sa kahirapan, ang illegal drugs ang pangunahing dahilan ng paglaganap ng krimen sa Maynila.
Sa mismong harap ng Manila City hall ay walang takot kung mangholdap ang mga kriminal araw-araw.
Abala kasi ang mga pulis at traffic enforcer sa pangongotong sa mga motorista habang ang pangingikil sa mga jeepney, UV Express drivers ay ipinamamahala nila sa mga durugistang barker na alaga nila.
Kaya tumama sa pagmunukha ni Ligayang Bruha ang mga kasinungalingang nakalagay sa kanyang “column” na maganda ang peace and order situation sa administrasyong Estrada.
Ang masaklap, hindi pa natutuyo ang laway ng matandang bruha sa panlolokong maayos daw ang peace and order sa lungsod ay nahablot ang bag ng kanyang anak paglabas sa isang banko sa kalye Adriatico, Malate makaraang mag-withdraw ng kuwarta kamakailan.
Iyan ang napapala ng mga taong sinungaling na pikit-matang tinatanggap ang bulok na sistema para sa pansariling interes.
Nasisikmura ng Bruha na magpanggap na maganda ang sitwasyon ng Maynila ngayon samantala sa “illegal barangay” ni Ligaya ay naglipana ang mga drug addict, holdaper at taong grasa.
Matatandaan, hinoldap at binaril habang sakay ng taxi ang isa sa mga staff ng anak ni Erap na si Sen. JV Ejercito sa Quirino Ave., Malate noong nakaraang taon.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]