Panawagang Tolentino resign, lumalakas
Percy Lapid
August 28, 2015
Opinion
HUMAKOT ng suporta ang online petition na nanawagan sa pagbibitiw ni MMDA Charman Francis Tolentino.
“Sobra na, tama na, palitan na,” sabi sa petisyon.
Ginagamit daw ni Tolentino ang pondo ng bayan sa maagang pangangampanya sa pagka-senador sa 2016 elections sa halip na lutasin ang mala-impiyernong sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila.
Akala ni Tolentino ay madadala niya sa gimik kaya umasta pang traffic enforcer noong Miyerkoles at inabisohan ang media para i-cover ang kanyang pakulo.
Lalong namuhi sa kanya ang publiko at kung nakamamatay nga lang ang pagmumura, aba’y baka pinaglalamayan na ang MMDA chair.
Saan kaya niya napanaginipan na magiging senador siya kahit “trash record” ang hawak niya sa serbisyo-publiko?
Kung may kandidatong unang dadamputin sa kangkungan matapos ang 2016 elections, walang kaduda-dudang si Tolentino iyon.
Pinayaman si Binay ng sindikato?
HINDI pala sa pag-iimpok yumaman ang pamilya Binay kundi sa sindikato.
Ito ang ibinulgar sa pagdinig sa Senado kamakalawa.
Mistulang sindikato pala ang pagpapatakbo raw ng mga Binay na mayorya sa mga kontrata sa information technology, janitorial at security services sa Makati City sa loob ng halos isang dekada ay nakorner ng dummy corporations nila.
Sa initial audit ng administrasyon ni Acting Mayor Kid Peña, nabuko na ang mga kompanyang may kinalaman sa mga Binay ang laging nananalo sa bidding na pare-pareho ang mga may-ari.
Bale sa kuwenta ng mga testigo, umaabot sa mahigit isang bilyong piso ang kickback ng mga Binay sa mga kontratang nasalakab ng kanilang dummy corporations.
Aba’y puwede palang ihilera si Binay sa listahan ng pinakamayayaman sa Forbes magazine kung isasama natin ang bilyon-bilyong kickback sa overpriced Makati City Hall Parking Bulding, Makati Science High School at Ospital ng Makati.
Kung ganyan ang ginawa ng mga Binay sa Makati, may boboto pa kaya sa kanya para maging susunod na pangulo?
“VIP treatment” ng SC kay Enrile, ipinagtanggol
Umusok sa galit ang publiko nang payagan ng Korte Suprema na makapagpiyansa si Sen. Juan Ponce-Enrile sa kasong plunder.
Wala naman kasi sa alinmang batas na puwedeng magpiyansa ang sinomang akusado na may edad at maysakit na nahaharap sa kasong no bail dahil sa humanitarian consideration.
Ito ang binigyang-diin ni Associate Justice Marvic Leonen na kumontra sa desisyon ng SC na iniakda ni Associate Justice Lucas Bersamin.
“The decision is the result of obvious political accommodation rather than a judicious consideration of the facts of the law.”
At dahil nabuko ang pagpilipit niya sa batas para mapagbigyan ang hirit ni Enrile na makapagpiyansa, binuweltahan ni Bersamin si Leonen at inireklamo pa nang paglabag sa “vow of silence.”
Ibinuyangyang raw ni Leonen sa publiko ang paraan ng botohan ng mga mahistrado.
Wala tayong nakikitang masama sa impormasyong ibinahagi ni Leonen dahil ang Korte Suprema ay isang public office na dapat ay umiiral ang transparency.
Kung tutuusin ay si Bersamin ang dapat magpaliwanag sa atin kung saang batas niya ibinase ang pagpayag na makapagpiyansa si Enrile.
Kapag hindi niya naihayag ito nang maliwanag, baka maniwala tayo na “monetary consideration” at hindi “humanitarian consideration” ang umiral sa kanyang desisyon na sinang-ayunan ng pito pang mahistrado.
Uso ba ang nasyonalismo sa Customs?
MATAPOS ulanin ng batikos sa planong random inspection sa balikbayan boxes, muli na namang nalagay sa alanganin ang Bureau of Customs.
Naging viral sa social media ng reklamo laban sa Customs ni Jujetah Nagaowa, kasalukuyang Light Flyweight champion ng buong mundo ng Women’s International Boxing Association (WBA).
Siningil kasi siya ng halos anim na libong piso sa Customs para sa championship belt na napanalunan niya sa Macau kamakailan.
Alam ba ng mga taga-Customs na ang isang Pinoy athlete at ang OFWs ay itinuturing na mga bayani sa ating bansa kaya’t ang munting pribilehiyo ay dapat ipagkaloob sa kanila?
Wala na ba talagang natitirang pagmamahal sa bayan ang mga taga-Customs at ang mahalaga na lang sa kanila’y ang perang makukuha sa mga nagbibigay ng karangalan at bumubuhay sa ekonomiya ng Filipinas?
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]