TUTOL si Pangulong Benigno Aquino III na isailalim sa house arrest si dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
“Aano ba ang value, dadalhin siya sa bahay? Ilalayo mo doon sa pagamutan. Kung ang dahilan nga nasa pagamutan siya dahil may isyu siya sa kalusugan. So anong magagawa roon sa bahay na hindi magagawa ng hospital? Bakit ilalayo mo pa sa gamutan?” aniya sa Cebu City kahapon.
Binigyang-diin niya na ang hospital arrest ay isa nang pribilehiyo at pagtiyak na mabibigyan nang tamang kalingang medikal ang dating Pangulo. Mahalaga aniya na ipakita sa sambayanan na pinagbabayad ang gumawa ng krimen. “Sa akin ho kasi importante na may ginawa kang krimen, kailangan pagbayaran,” dagdag niya.
(ROSE NOVENARIO)