Kasong plunder balewala na
Percy Lapid
August 24, 2015
Opinion
MALAKI ang tsansa na maging kultura na sa gobyermo ang korupsiyon, lalo na ang pandarambong o plunder.
Pwedeng sisihin ng publiko ang Korte Suprema nang payagan nilang makapagpiyansa ang may kasong plunder na si Sen. Juan Ponce-Enrile kaugnay sa pork barrel scam.
Sa batas ay malinaw na no bail o walang piyansa ang plunder case.
Ngayong taon, tatlong beses naglabas ng desisyon ang SC na bumabaluktot sa rule of law.
Una, nang katigan nila ang desisyon ng Comelec na pinapayagang kumandidato si ousted president Joseph “Erap Al Capone” Estrada na isang convicted plunderer o sentensiyadong mandarambong kahit ang tulad niya ay habambuhay na diskuwalipikadong kumandidato at humawak ng anomang puwesto sa gobyerno, batay sa batas.
Sumunod ang pagkatig ng SC sa isa pang garapal na desisyon ng Comelec na pinapayagang makatakbo pa si Rep. Ronald Singson, anak ni Ilocos Sur Gov. Chavit Singson, na nabilanggo matapos hatulan ng hukuman sa Hong Kong sa kaso ng ilegal na droga.
Lumalabas na ang SC ay nasa panig ng mga maimpluwensiyang mandarambong at kriminal kaya hindi na nagsisibi sa interes ng makatarungang paghatol.
Delikado ang diskarteng ito ng mga mahistrado na posibleng magresulta sa pag-aalsa bunsod ng pagkakait ng hustisya sa mamamayan, base na rin sa mga pangyayaring naitala sa kasaysayan.
“We don’t give our criminals much punishment, but we sure give ‘em plenty of publicity,” sabi nga ni Will Rogers.
Impeachment vs justices?
GUSTO raw ni PNoy na pag-aralan ang pasya ng SC na makapagpiyansa si Enrile dahil kakaiba ito.
Maaari kasing sumunod na si GMA na payagang mag-bail ng Korte Suprema at puwedeng pati ang iba pang nakulong sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Halata rin naman na hindi talaga seryoso si PNoy sa kanyang anti-corruption campaign.
Bakit kay Enrile ay pumopostura siyang pumapalag sa SC decision, gayong sa pagbasura ng disqualification case laban kay Erap na convicted plunderer at drug convict Rep. Singson ay hindi siya kumibo?
Wala kasing padrino sa kanya si Enrile, hindi tulad ni Erap, may Paquito Ochoa na, may Mar Roxas pa!
Mas gugustuhin ng sambayanan na isalang sa impeachment ang ilang mahistrado na masyado nang inabuso ang kanilang kapangyarihan laban sa interes ng mamamayan.
OFWS gustong pagnakawan
HALOS paglamayan sa tindi ng bugbog at batikos ng publiko ang plano ni Customs Commissioner Bert Lina na random inspection sa baikbayan boxes bilang bahagi raw ng kanilang anti-smuggling campaign.
Ang dapat atupagin ni Lina ay seryosohin ang panghuhuli sa mga tunay na smugglers, sibakin at kasuhan ang mga taga-Customs na kanilang padrino.
Huwag na niyang pag-initan ang overseas Filipino workers (OFWs) na namumuhunan ng luha, pawis at dugo para mabili lang ang mga ilalagay nila sa ipadadalang balikbayan box na hinihintay ng kanilang pamilya rito.
Magkaroon naman sana kahit kaunting kahihiyan si Lina sa OFWs na malaki ang iniaambag sa ekonomiya ng bansa.
Ang kapalpakan ng BOC sa pagsupo ng smuggling ay hindi kasalanan ng OFWs.
Imbes kastiguhin, idinepensa pa si Lina
KOMBINSIDO ang Malacañang sa pakana ng BOC na busisisiin ang balikbayan boxes.
Wala pang konsultasyon sa alinmang stakeholder, kinampihan agad ng Palasyo ang nakaambang panggigipit sa OFWs.
Binibigyan na naman ng behikulo ang mga masisiba sa Customs para kikilan ang mga “Boss” daw ni PNoy.
Kaya naniniwala tayong walang sinseridad ang pag-endrso niya kay Mar Roxas sa 2016 presidential polls.
Siguradong walang gago, estupido at ta-ngang OFW ang boboto kay Roxas dahil sa pakulong ito ni Lina.
Ngayon pa lang ay nakikiramay na tayo sa muling pagkaunsyami ng pangarap ni Roxas na maging presidente ng bansa.
Laganap na ang “Dutertistas”
PARANG epidemyang kumakalat ang sakit na Dutertista.
Ito ang “sakit” na dumapo sa mga taong nagnanais na maging susunod na pangulo ng bansa si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ang klase ng liderato ni Duterte ang kailangan ng Filipinas lalo na’t ang tatlong sangay ng pamahalaan ay wala nang simpatiya sa kapakanan ng ordinaryong mamamayan.
Makikita na sa bawat sulok ng Luzon, Visayas at Mindanao ang mga Dutertista.
Ang pagnanasa ng publiko na maging presidente si Duterte ay phenomenal.
Ito ang dapat katakutan ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas at hindi ang pakipot at maangas na si Sen. Grace Pwe, este, Grace Poe pala.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]