Ginugulo ang isyu ng Torre de Manila
Percy Lapid
August 21, 2015
Opinion
SADYANG inilalayo na ang diskusyon hinggil sa kontrobersiyal na Torre de Manila.
Kahit wala pang kaso laban sa DMCI sa pagtatayo ng Torre de Manila sa kanilang sari-ling lupa, hinihirit sa Korte Suprema ng Knights of Rizal na ipagiba ito.
Wala naman batas na nagbabawal na magtayo ng gusali sa sarili mong lupa kung natatanaw man ito kapag nagpaparetrato sa harap ng bantayog ni Rizal.
Sabi ni Associate Justice Antonio Carpio, anomang bagay na walang nilabag na batas, ibig sabihin ay puwede.
Nakapagtataka lang kay Associate Justice Marvic Leonen at Francis Jardeleza, ang pagkuwestiyon sa pagbibigay ng permit ng administrasyong Lim sa DMCI para itayo ang Torre.
National Law vs. questionable city ordinance
NILINAW ni dating Manila Mayor Alfredo Lim na ang pagkakaloob ng permit sa DMCI noong 2012 ay dahil na-comply ang lahat ng requirements para makapagtayo ng gusali sa lungsod.
Batay sa National Building Code, 60 palapag ang taas ng gusaling puwedeng itayo kaya ubra ang 49-storey na Torre de Manila.
Ito ang pangunahing punto na talakayin sa oral arguments sa Korte Suprema at hindi ang mga ordinansa ng Maynila na nagtatakda ng hanggang pitong palapag lang ang puwedeng itayo sa Maynila.
An ordinance cannot supersede a national law.
Sigurado naman, alam ito ng mga mahistrado sa Supreme Court.
Ito lang ang pinakasimpleng paliwanag na magtutuldok sa lahat ng kontra sa Torre de Manila na ang ginagamit na armas ay ang mga ordinansang iniakda ng mga Kosuhol, este, konsehal ng Maynila.
Bale ba, hanggang ngayon ay kuwestiyonable pa ang pagkakapatupad sa ginagamit na ordinansa.
Panis ang depensa ni Erap
PARA makapaghugas-kamay sa extortion, este, Torre de Manila issue, gustong ibunton lahat ng sisi ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada kay Lim.
Kesyo vineto raw ni Lim ang Ordinance 8310 na magre-regulate sa pagtatayo ng mga gusali.
Nuknukan nang sinungaling ang kampo ni Erap, hindi nila ipinagtapat sa Korte Suprema na kaya ibinasura ni Lim noong Marso 2013 ang Ordinance 8310 dahil nakasaad dito na dapat humingi ng clearance at dialogue ang developers mula sa City Council bago magtayo ng building at kahit labas ito sa kanilang kapangyarihan.
Mapanganib ang ordinansa na mabisang armas na pwedeng gamitin para makikilan ang mga negosyante kaya vineto ito noon ni Mayor Lim.
Hintayin lang nila na ipatawag ng Korte Suprema si Lim at tiyak na madudurog lahat ang mga maniobra ni Erap para lusutan ang gulong nilikha niya sa Maynila.
Ghost Senior Citizens Scam
HUWAG na tayong magulat kung marami pa rin pamilya ang nakatira sa mga bangketa sa Makati City, lalo na sa area ng Pasong Tamo, Pasong Tirad at Kalayaan Ave.
Umaabot pala sa P367-M kada taon ang nawawala sa kaban ng lungsod bunsod ng ghost senior citizens scam.
Kung hindi ito ninakaw sa panahon ng mga Binay, aba’y bawat mahirap na taga-Makati ay puwede nang ipagpatayo ng sariling bahay ng lokal na pamahalaan.
Huwag nang umasa pa si Binay na tatangkilikin pa siya sa 2016 elections.
Erap nananaginip nang gising, Poe-Jinggoy gustong lutuin
NAKISAWSAW na naman si Erap sa paggunita sa kaarawan ni FPJ kahapon.
Umaarte na naman siyang may simpatiya kay FPJ at anak na si Sen. Grace Poe kahit may lihim na kasunduan kay Mar Roxas.
Alam naman natin na ang motibo lang niya ay kung paano niya mabobola si Grace na makatambal na bise ang anak niyang si Sen. Jinggoy na dati sanang plano kung ‘di nabuko ang mga katiwalian ni Binay sa Makati.
Sa pangalawang pagkakataon ay tinatraydor ni Erap ang pamilya ni FPJ, una ay noong 2004 presidential elections nang makipagsabwatan siya kay GMA para matalo si Da King.
Ngayon ay balak na naman niyang linlangin ang inaanak na senadora.
Kapag nagkataon, dalawang beses na makikipagkontsabahan si Erap sa kalaban ni Poe sa pagka-pangulo.
Mukhang mauulit kay Erap ang pamosong dialogue ni Susan, “You stole the presidency, not once, but twice!”
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]