Tambakan ng boto, turuan ng leksiyon ang mga dorobo
Percy Lapid
August 19, 2015
Opinion
MARAMI ang tila nawawalan na ng pag-asa na mapalayas sa puwesto ang mga manggagantso at mandarambong sa gobyerno.
Ang alam kasi nila, ginagamit ng mga walanghiyang opisyal ng gobyerno ang ninakaw nila sa kaban ng bayan para magbayad sa survey firm upang palabasin na popular at gusto pa rin sila ng tao.
Umuupa rin sila ng mga “political analyst” para katigan ang mga pekeng survey result at palabasin na talagang mabango pa sila sa publiko.
At ang pinakamalaking pinagkakagastusan ang mga hidhid sa Comelec upang pumabor sa kanila ang resulta, lalo na’t high-tech na ang level nang pandaraya at hindi na mano-mano.
Kaya masakit ang ulo ng matitinong botante kung paano lalabanan ang ganitong uri ng mga maniobra ng mga isinusuka nang public officials.
Uulitin natin ang matagal na nating suhestiyon, ito’y ang tambakan ng boto ang mga kandidatong alam nating walang ginawa at walang gagawing matino para sa bayan.
Sa ganitong paraan, mahihirapan silang dayain ang matinong kandidatong ibinoto, at kapag hindi naging kapani-paniwala ang resulta ng bilangan ay tiyak na mag-aalsa ang taongbayan.
Dapat silang turuan ng leksiyon para hindi na makalusot ang mga kandidato mula sa political dynasty at mantsado ng korupsiyon ang track record.
Hindi pa naimbento ang pagsisisi sa una
MASAKLAP na aral ang natutuhan ng mga Manileño nang magkamaling iluklok sa Manila City Hall si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap AL Capone” Estrada.
Sising-alipin ang mga bumoto kay Erap dahil dalawang taon pa lang sa puwesto ay pinagkakasya na niya ang lahat ng ari-arian ng lungsod sa kanyang bulsa.
Malayong-malayo ito sa track record ni Mayor Alfredo Lim na makakabangga niyang muli sa 2016 elections.
Ito lang naman ang maipagmamalaki ni Lim, nakapagpatayo ng anim na pampublikong ospital, dalawang libreng kolehiyo, 485 daycare centers, 97 karagdagang bagong buildings para sa elementary at high school, 59 barangay health centers at 12 lying-in clinics o libreng paanakan.
Lahat iyan ay wala sa San Juan na mahigit apat na dekada na ang pamilya ni Erap sa poder.
Simple lang ang pamumuhay ni Lim kompara sa magarbong lifestyle ni Erap at kanyang mga pamilya.
Hindi nabahiran ng korupsyon ang pamamahala at ‘di naharap si Lim sa anumang kasong may kinalaman sa pagnanakaw sa kaban ng bayan ’di gaya ni Erap na pinatalsik sa Palasyo, nahatulan at nabilanggo sa kasong pandarambong.
Sabi nga, hindi pa naiimbento ang pagsisisi sa una kaya ang pagsisisi ay laging nasa huli.
Kahit magsisi nga naman ang Manileño na naloko ni Erap, ang mahalaga’y nakapag-unli-nakaw naman siya sa Maynila.
Pero hindi niya alam na sa susunod na taon, ipalalasap sa kanya ng mga Manileño kung gaano kalupit silang magsisi sa pagtitiwalang ibinigay sa isang sentensiyadong mandarambong.
Abangan!!!
Kampanya vs corruption moro-moro lang
PINALAKPAKAN ng buong mundo ang commitment ng administrasyong Aquino kontra-korupsiyon.
Nakapagpakulong kasi ng dating presidente, tatlong senador, ilang dating mambabatas at mga retiradong heneral at kinasuhan ng plunder ang bise-presidente.
Pero habang papatapos na ang termino ng “daang matuwid” mukhang unti-unti na ring nakikipagkiskisang-siko sa mga ex-convict at mga ipinakarsel para matiyak na mananalo ang manok sa 2016 presidential elections.
Malakas ang ugong na hindi pala ang inaanak na si Sen. Grace Poe o ang kaalyadong si VP Jojo Binay ang ieendorso ni Erap na presidentiable, kundi si Mar Roxas daw, kapalit ang pagpapalaya kay Sen. Jinggoy Estrada.
Paano pa pagtitiwalaan ang daang matuwid na nakikipagsabwatan sa sentensiyadong mandarambong para manatili sa kapangyarihan ang mga nagpapanggap na makabayan pero halos ibenta na ang buong bansa sa mga dambuhalang negosyante?
May ex-deal kaya sa desisyong pagpiyansahin si Sen. Juan Ponce-Enrile na isa ring batikang political operator sa Norte?
Bakit ang kaso nina GMA at ret. Gen. Sonny Razon ay hindi umuusad pero ang bawat hirit ng mga senador na sangkot sa pork barrel scam ay inaaksiyonan ng Sandiganbayan at Korte Suprema?
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]