ISINUSULONG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at isang samahan ng mga pasahero para paigtingin ang kaligtasan sa biyahe ng mga pampublikong sasakyan.
Ito’y sa harap ng kaliwa’t kanang aksidenteng kinasasangkutan ng mga motorista at pampasaherong sasakyan, partikular ng mga bus.
Nitong Miyerkoles lamang, nabangga ang isang Valisno bus sa boundary ng Caloocan City at Quezon City, na ikinamatay ng apat at ikinasugat ng mahigit 30 pasahero.
Nakikitang solusyon ng National Council for Commuters Protection (NCCP) ang psychological training ng mga bus driver upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.
Katuwiran ni NCCP president Elvira Medina, hindi sapat ang pagsasanay na kailangang daanan ng mga driver sa TESDA dahil nakatuon lamang sa paghahasa ng technical skills.
“Ang ginagawa po namin, behavioral training. Pinapalitan po naming pilit ‘yung pananaw nila sa buhay. Ang primary na itinuturo namin ‘yan ay isang obligasyon na ibinigay sa iyo ng Panginoon. Ang dala-dala mo ay hindi lang bus, ‘yan ay sisidlan ng buhay ng tao,” ani Medina.
Habang itinutulak ng LTFRB na obligahin ang paglalagay ng global positioning system (GPS) sa mga bus upang mabantayan ng ahensiya ang bilis ng takbo at lokasyon n ito.
Ipinaliwanang ni LTFRB Chairman Winston Ginez, kaya ng GPS na ipadala sa ahensiya ang bilis ng mga bus kada 30 segundo.
Ngayong Setyembre ang simula ng hakbang ngunit target ng LTFRB na umarangkada ito nang mas maaga.
Suportado rin ng ahensiya ang Speed Limiter Bill na aprubado na sa committee level ng Senado. Nakatakdang sumalang ang panukala sa plenary debate.