Villanueva at Bagatsing kulong sa PDAF scam?
Percy Lapid
August 12, 2015
Opinion
MALAMANG kaysa hindi na mas mauuna pang matapos ang paglilitis at mahatulan sa kasong malversation, direct bribery at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang third batch ng mga akusado sa pork barrel scam.
Ito’y dahil sa paggiit ng mga akusadong mambabatas na pineke lang ang kanilang pirma kaya wala silang kinalaman sa pork barrel scam, lalo na sina dating CIBAC party-list Rep. at ngayo’y TESDA Director-general Joel Bulsanueva, este, Joel Villanueva pala at Manila 5thDistrict Rep. Amado Bagatsing.
Aba’y ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), mahina pala ang kanilang depensa dahil ang malversation o paglulustay ng pondo ay nagaganap din sanhi ng kapabayaan o negligence.
Ibig sabihin, hindi kailangang pirmado sa dokumento ang mga mambabatas para mapatunayan na pinayagan niyang mawaldas ang pera ng bayan na ipinagkatiwala sa kanya.
Obligasyon nila Villanueva at Bagatsing na tiyakin kung ginasta nang tama ang kanilang pondo.
Ang masaklap, tulad ng pandarambong o plunder, no bail din ang kasong malversation o walang piyansa.
At dahil maliit na halaga lang ang sangkot sa mga kaso ng 3rd batch legislators kompara sa first at second batch, posibleng mas mabilis na makapagdedesisyon ang Sandiganbayan kaya kulong muna sila habang hindi sila naaabsuwelto sa kaso.
Mahirap pa namang mangampanya habang naghihimas ng rehas na bakal, kahit itanong pa nina Villanueva at Bagatsing kay Sen. Sonny Trillanes.
“The End is Near” na sa political dynasty ni Erap sa San Juan
MALAKAS ang ugong sa San Juan City na nangangatog na sa nerbiyos ang angkan ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada dahil malaki ang tsansa na magwakas na ang mahigit apat na dekadang paghahari nila sa San Juan City.
Nakahanap na kasi ng katapat ang lahi ni Erap kay Congressman Ronnie Zmaora at anak nitong si Vice Mayor Francis Zamora.
Maagang nabuko ng mga Zamora ang pagtatrayudor sa kanila ng mga Estrada nang ipatawag sa selda ni Sen. Jinggoy Estrada ang lahat ng barangay captain ng San Juan para ideklara ang kandidatura ng mga kapamilya nila sa lahat ng puwesto sa lungsod.
Taliwas ito sa pangako ni Mayor Guia Gomez kay Francis na sila pa rin ang magkatambal sa 2016 elections.
Ang internal survey sa lungsod ay nakakuha ng 58% si Francis laban sa 37% ni Guia ang nagpakabog nang husto kay Erap.
May nakarinig sa sinabi ni Erap na: “Hindi bale nang matalo ako sa Maynila, huwag lang si Guia sa San Juan.”
Kaya asahan na natin na lahat ng pinakamaruruming laro sa halalan ay gagawin ng mga Estrada para manatili sa loob ng kanilang bulsa ang San Juan City.
Halatang may sabwatan sa Army and Navy Club deal
PAANO nangyari na ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na nagdeklara bilang national historical landmark ang Army and Navy Club noong 1991 ay walang kibo sa pagkapariwara at paglapastangan sa nabanggit na gusali?
Marami ang nagtatanong kung bakit pumayag ang NHCP na ipagiba ni Erap ang gusali ng club pero napakaingay sa isyu ng Torre de Manila.
Paanong nangyari na hindi kinuwestiyon ni NHCP Chair Maria Serena Diokno ang pagpapaupa ng administrasyon ni Erap sa Army and Navy Club sa Oceanville Hotel and Spa Corp., at ipina-sublease pa ito sa Vanderwood Management Corp., para pagtayuan ng casino?
Maging ang matatandang puno na nagsisilbing lilim sa lugar ay pinagpuputol nang walang habas na pinayagan naman ng DENR.
Susmaryosep, ang papel kaya ng NHCP sa preservation ng national heritage ay selective pala o may pinipili?
Pati ba naman sa Maynila ay bulag din ang DENR sa panggahasa sa kalikasan?
Ayaw nating maniwala na ang mga respetadong opisyal tulad nina Diokno ng NHCP at Paje ng DENR ay nakombinsi sa “unli-nakaw” na iskema ng sentensiyadong mandarambong sa Manila City Hall.
Pero sa takbo ng mga pangyayari, mukhang nahirapan silang tanggihan ang malaking halaga kapalit ng pagmamahal sa pamana ng kasaysayan at kalikasan.
Santisima!!!
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]