NBI, PNP hinamon sa isyu ng STL cum jueteng (Part 2)
Rex Cayanong
August 12, 2015
Opinion
Makaraang kuwestiyunin ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Ayong Maliksi ang tila bawas-bawas scheme ng ilang STL franchisee/operators sa kanilang legitimate revenues na dapat sana’y napupunta sa kaban ng bayan, hinahom naman nito ang liderato ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang kampanya sa operasyon ng illegal numbers game at loterya na nakakabli sa legal na operasyon ng Small Town Lottery (STL).
Ipinarating ni Maliksi ang hamon kina NBI Director Atty. Virgilio Mendez at Director General Ricardo Marquez.
Pinuna ni Maliksi ang malaking discrepancies sa aktuwal na estimate ng PCSO sa dapat kitain nito mula sa STL at sa measly remittance ng mga SLT operators na umaabot lamang ng kulang-kulang sa 4 milyon pesos noong 2014.
Nagulat si Maliksi sa baba na pigurang nakatala sa records ng PCSO samantalang hataw naman ang operasyon ng STL sa halos lahat ng probinsiya sa buong Luzon.
Sa impormasyon ni Maliksi, mga tradisyunal at dating pangalan ng mga tinaguriang gambling lords ang nasa likod ng iligal na operasyon ng STL cum jueteng kung saan, nakakuha umano ng prangkisa sa STL ang mga kilalang pangalan sa industriya ng jueteng gamit ang ilang dummy corporations.
Ilan sa mga ito ay sina DOUBLE AA na alyas ni DOBOL EY, DOCE na alyas naman ni BONG PINEDA, MAGBUHOS, CEZAR REYES, KABAYO GONZALES na balwarte ang probinsiya ng Quezon at Batangas at mga bagong sibol na sina DON RAMON FREZA,DANTE ALVAREZ na hawak ang mga siyudad ng San Pedro,Sta. Rosa at bayan ng Binan sa Laguna at sa Mindoro na hawak naman ni BOGART ATAYDE.
Bukod dito, malawak na parte naman ng Region 1,2 & 3 ang may iligal na loterya gamit ang mga prangkisa ng STL na pinamamahalaan naman ng iba’t ibang gambling operators.
Samantala, prangkisa naman mula sa PAGCOR sa OnLINE BINGO ang gamit-gamit naman ng isang alyas GIL TEPANG sa jueteng operation nito diyan mismo sa pusod ng Cubao kung saan ang ipinagmamalaking padrino ay isang PNP General na umano’y ‘bata-bata’ ni DILG Secretary Mar Roxas.
Dati nang napabantog ang pangalang ni TEPANG sa operasyon ng mga beerhouses na nagpapalabas ng bold at nude shows (toro) sa Quezon City.
Sa outlet ng ONLINE BINGO ni TEPANG sa WESTPOINT, Cubao umano ginagawa ang bolahan ng pa-jueteng nito tatlong beses isang araw.
Bagama’t bulgar ang operasyon na ito ni TEPANG, nananatiling nakagapos ang kamay ng mga opisyal ng PNP partikular na ng QCPD at maging ng CIDG ni General Benjie Magalong sa nasabing iligal na operasyon.
Malalaman natin kung gaanong katapat sa kanyang binitawang salita si Director General Marquez na nangakong lilinisin ang hanay ng kapulisan laban sa korapsiyon at pagpatong sa lahat ng iligal.
May kasunod…Abangan!
Makinig sa DWAD 1098 khz am “TARGET ON AIR USTREAM TV” Monday to Friday 2:00 – 3:00 PM. mag email sa [email protected]