AMINADO si ACT-CIS partylist Rep. Samuel Pagdilao na walang katiyakan na pakikinggan nina Interior Sec. Mar Roxas at Justice Sec. Leila de Lima ang kanyang panawagang bago bumaba sa puwesto ay isaalang-alang ang hustisya ng SAF 44 na namatay sa Mamasapano massacre.
Sinabi ni Pagdilao, dating police officer, desmayado siya sa naging takbo ng imbestigasyon dahil imbes ang mga nagmasaker na mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), inuna pang kinasuhan ang mga survivor ng operasyon.
Ayon kay Pagdilao, malinaw na isang lehitimong operasyon ang ginawa ng SAF 44 laban sa mga teroristang nasa baluwarte ng MILF.
Hindi aniya nakapagtatakang may maibuwis na buhay dahil mga terorista at mamamatay tao ang mga tinutugis.
Magugunitang mismong sa huling State of the Nation Address ng Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ay walang pagbanggit man lang sa kabayanihan ng SAF44.
Tinanggal na SAF 44 mural ‘di pakana ng Palasyo
WALANG batayan at walang katotohanan ang paratang na may partisipasyon ang Palasyo sa pagtatanggal ng SAF 44 mural sa PNPA Academy sa Silang, Cavite.
Ito ang inihayag kahapon ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., bilang tugon sa bintang ng kampo ni Vice President Jejomar Binay na pinatanggal ni Pangulong Benigno Aquino III ang SAF 44 mural sa PNPA academy.
Sinabi ni Coloma, batay sa ulat sa Malacañang, ang naturang mural ay kinuha ng may-ari ng Erehwon Art Center na siyang gumawa nito dahil walang museum ang kampo na angkop paglagyan nito.
“Iniulat ni Chief Supt. Armand Ramolete, PNPA Director, kay Philippine Public Safety College President General de Leon, ang mural ay kinuha ng may-ari ng Erehwon Art Center na siyang gumawa ng mural dahil sa obserbasyong walang angkop na paglalagyan sa kampo dahil wala silang museum,” aniya.
Sinabi rin aniya ni General Ricardo de Leon, pangulo ng Philippine Public Safety College na siyang nangangasiwa saPNPA, meron na ngayong nakatayong estatwa na nagbibigay parangal sa SAF 44 sa loob ng Camp Mariano Castañeda sa Silang, Cavite.