Plataporma ni VP Binay sa 2016 presidential election hungkag (Ayon kay PNoy)
Rose Novenario
August 5, 2015
News
HUNGKAG ang plataporma ni Vice President Jejomar Binay sa 2016 presidential elections.
“Mahirap magbenta ng produkto na abstrakto. May nagsasabi na gaganda ang buhay n’yo. Ngayon hinihintay ko kung paano. Paano lalong sasagana ang buhay ng Filipino,” sabi ni Pangulong Benigno Aquino III sa pagtitipon ng mga miyembro ng Liberal Party sa Gloria Maris restaurant sa Greenhills, San Juan City kahapon.
Ang campaign slogan ni Binay noong 2010 elections ay “Kay Binay, gaganda ang buhay.”
Inilitanya ng Pangulo ang mga programang ipinatupad ng kanyang administrasyon na pinakinabangan ng mga mamamayan.
“Sa atin ‘yung paano ‘e paki-tingnan na lang ho ‘yung CCT, pakitingnan na lang ho ‘yung Philhealth, pakitingnan po ‘yung napapababa natin ang bilang ng walang trabaho. Wala tayong maling ginawa nitong anim na taon, papunta sa anim na taon, pinilit natin gawin ang tama at ang tama ay pinakikinabangan na ng bayan,” paliwanag ng Pangulo.
Kamakalawa sa kanyang “True SONA” sa Cavite State University ay binatikos muli ni Binay ang aniya’y palpak at manhid na administrasyong Aquino.
Habang ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr., negatibo ang feedback ng netizens sa “TSONA” ni Binay.
“Sa lahat po ng natunghayan nating mga feedback ay overwhelming ‘yung trend laban sa kanya,” ani Coloma.
“Maiaalis sa kanilang isipan at pananaw ‘yung kabuuan ng kasalukuyang sitwasyon na siya ay napaka-partikular sa pagtutuligsa, samantalang hindi naman siya nagbibigay ng mga partikular na tugon doon sa mga tuligsa laban sa kanya,” dagdag ni Coloma.