NAGING excited ang keepers ng Taipei Zoo dahil ang resident panda na si Yuan Yuan ay nagpapakita ng mga senyales ng pagbubuntis.
Kabilang sa mga sintomas na ipinakita ni Yuan Yuan ay pagkawala ng ganang kumain at pagkapal ng uterus. Tumaas din ang fecal progesterone concentration ni Yuan Yuan.
Ngunit sa kabila ng nasabing mga sintomas, ang pabubuntis ng panda ay false alarm lamang pala.
Ayon sa China’s Southern Metropolis Daily, nabatid sa ultrasound scan kay Yuan Yuan, na isinailalim sa artificial insemination ngayong taon, na hindi siya buntis.
Bunsod nito, inakusahan ang panda ng pagpeke ng kanyang pagbubuntis upang tumanggap nang mas maraming pagkain at espesyal na pag-aalaga ng caretakers.
Ang buntis na panda ay tipikal na tinatratong parang reyna.
Ayon sa China Daily, ang mga buntis na panda ay inililipat sa single rooms na may air conditioning at pinagkakalooban ng “round-the-clock care.”
Tumatanggap din sila nang mas maraming buns, prutas at kawayan.
Ayon sa panda experts, maaaring nagkunwaring buntis si Yuan Yuan upang maranasan ang nasabing mga benepisyo.
Si Yuan Yuan ay nanganak ng isang cub noong 2013. (THE HUFFINGTON POST)