Sampolan, sibakin si Dir. Nana sa MPD
Percy Lapid
July 22, 2015
Opinion
MARAMI ang umaasa na aayos ang peace and order situation sa bansa sa pag-upo ni Director Ricardo Marquez bilang bagong PNP chief.
May paglalagyan daw ang mga abusadong pulis at paiigtingin ang police visibility para maiwasan ang paglaganap ng krimen.
Mas lalo tayong bibilib kay Marquez kung magsasagawa siya ng performance audit sa lahat ng regional, provincial at district directors sa buong bansa para malaman niya kung sino ang dapat palitan.
Hindi na tayo magugulat kung sasampolan niya sa mga sisibaking opisyal si Manila Police District (MPD) chief Rolando Nana.
Sa panahon ni Nana bilang hepe ng pulisya sa Maynila, ilang beses nang nasangkot sa krimen ang kanyang mga tauhan pero wala ta-yong nabalitaan na pinarusahan sila o kaya’y nanagot siya alinsunod sa doktrinang command responsibility.
Malala ang krimen sa Maynila, at ang masaklap, ang mga pulis mismo ang kriminal.
Isa sa mga pruweba na walang kuwenta ang liderato ni Nana sa Maynila ang nangyaring rubout na kinasangkutan ng limang pulis sa isang tricycle driver noong nakaraang linggo at ayon sa testigo, planado ang pagtumba ng mga pulis sa biktima.
Ano na nga ba ang nangyari sa mga pulis na taga-Theft and Robbery Section ng Manila Police District (MPD) na nangikil sa Pakistani businessman?
Hindi na nagsipasok ang mga kumag at wala nang report kung inasunto ni Nana ang mga pulis cum holdaper at kung nakabalik pa ba sila sa puwesto upang ipagpatuloy ang kanilang illegal activities.
Ano na rin kaya ang nangyari sa 15 miyembro ng MPD Anti-Illegal Drugs Unit matapos makompiska sa kanilang mga locker ang limang kilo ng shabu at drug paraphernalia mismo sa headquarters?
Nabuko ito nang “salakayin” ng mga kasapi ng MPD Special Weapons and Tactics team ang tanggapan ng DAID na pinamumunuan ni Senior Inspector Titoy Jay Cuden.
Nasaan na ang shabu? Dinakip ba ng MPD ang pinagmulan nito? Nakabalik pa ba sa puwesto ang mga pulis na nagtago ng illegal drugs?
Marami sana ang maniniwala sa propaganda ni convicted plunderer at ousted president Joseph “Erap Al Capone” Estrada pero sumabog ito sa kanyang pagmumukha nang mismong tatlong staff ni Sen. JV Ejercito ang hinoldap sa loob ng taxi na kanilang sinakyan sa kanto ng Quirino Ave. at Benitez sa Maynila.
Isa sa kanila ang binaril ng holdaper pero idineklarang ligtas sa tama ng bala.
Tama si Erap, napaka-competitive talaga ng Maynila sa mga kriminal na nagpapaligsahan sa dalas at dami ng krimeng ginagawa sa lungsod araw-araw.
Turnilyo ni Binay ‘maluwag’ na ba?
NAGSAWA na marahil sa pagiging politiko si VP Jojo Binay kaya ang mundo ng showbiz naman ang tila gusto niyang pasukin bilang komedyante.
Puwede kasing ituring na katatawanan ang pagsasampa ng kasong libel ni Binay sa mga senador at iba pang personalidad na nagsusulong ng imbestigasyon sa kanyang ill-gotten wealth.
Para kay Binay, kasalanan ng mga institus-yon ng pamahalaan na gampanan ang trabaho nilang busisiin ang katiwalian ng mga opisyal ng gobyerno.
Kailan pa naging labag sa batas ang pag-iimbestiga sa kasong pandarambong base sa mga dokumentadong ebidensiya?
Nagpapatawa lang kaya ang VP o sadyang sa lahat ng abogado sa buong bansa ay siya lang ang bukod-tanging baligtad ang interpretasyon sa mga batas?
Posible rin na kaya lihis sa tamang katuwiran ang diskarte ni VP ay dahil may ‘maluwag’ na turnilyo sa kanya?
Kunsabagay, doktora naman ang kanyang esposa kaya tiyak na alam ang gagawin sa kanyang mister para maibalik sa katotohanan ang takbo ng isip nito.
Hinihila ni VP Binay sa kumunoy si Duterte
IPINANGANGALANDAKAN ng bilanggong si Sen. Jinggoy Estrada na inimbitahan ni Binay si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na maging bise-presidente niya sa 2016 elections.
Pero hindi pa raw alam ni Jinggoy kung pumayag o ibinasura ni Duterte ang alok ni Binay.
Kung ang motibo ni Jinggoy ay palabasin na lihim na nakikipag-usap si Duterte kay Binay para sirain ang imahe nito, aba’y nagkakamali siya.
Hindi porke’t ayaw ni Duterte kay Justice Secretary Leila de Lima ay tatalon na lang basta ang alkalde sa bakuran ng mga mandarambong.
Mas kailangan ng bansa si Duterte na walang bahid ng korupsiyon ang track record sa public service.
Parang langis at tubig sina Binay at Duterte na kailanma’y hindi puwedeng magsanib.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]