Peace and order sa Maynila, grabe
Percy Lapid
July 17, 2015
Opinion
SINIBAK kamakalawa ang limang pulis Maynila na sina S/Insp. Salazar, PO3 Ferdinand Valera, PO1 Ronald M Dipacina, PO1 Rhoel Landrito, PO1 Diomar Landoy, pawang nakadestino sa PCP Gulod Sampaloc, dahil sa pagpaslang sa isang hinihinalang holdaper.
Akala ng mga pulis, lulusot ang kanilang press release na napatay sa isang gun battle ang umano’y holdaper.
Hindi nila alam na bawat sulok sa Maynila ay may CCTV na, kaya may video footage kung paano nila binaril nang walang kaabog-abog ang isang tricycle driver sa Sampaloc, Manila.
Ang tapang ng nasabing mga pulis ay kaya lang palang gamitin sa isang walang kalaban-labang nilalang.
Kung ganyan pala ang takbo ng isip ng mga parak, bakit hindi nila itumba ang mga nagpapakalat ng illegal drugs sa lungsod?
Bakit hindi rin nila barilin ang mga promotor ng sindikato ng illegal terminal at illegal vendors na ginagawang kabuhayan ang kaguluhan sa kalye at pagsisikip ng trapiko at sangkot pa man din sa pagpapapatay sa kabaro nilang pulis?
Kung gusto palang maging terminator ng mga magnanakaw ang nasabing mga pulis, bakit hindi rin nila paslangin ang mga nagpapanggap na maka-mahirap pero ang mga maralita ang ginagamit para makapagnakaw sa kaban ng lungsod?
Nagkatotoo ang sinabi ng isang Kano na “Gates of hell” ang Maynila.
Pag-atake ni Binay kay Pnoy, wa epek
PAKAPALAN na lang kaya ng mukha ang puhunan ni VP Jojo Binay sa kanyang 2016 presidential bid?
Bukung-buko na kasi ng buong mundo kung paano nagpayaman ang kanyang pamilya sa loob nang halos tatlong dekadang paghahari sa Makati City.
Ni sa hinagap ay hindi inakala ni Binay na mabibilad sa publiko ang multi-bilyong pisong kayamanan na kanilang “naipon” mula sa pagiging walang-wala bago naupo sa Makati City Hall noong 1986.
Sa pagdepensa sa mga kinakaharap na mga kasong kriminal, lumabas tuloy na wala talagang paggalang sa batas si Binay at mismong 1987 Constitution ay hindi niya kinikilala.
Ayaw niyang kilalanin ang kapangyarihan ng Senado at Ombudsman na mag-imbestiga sa mga katiwaliang kinasasangkutan niya, at maging ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na may hawak ng lahat ng dokumento nang nakamal niyang kayamanan ay minamaliit niya.
Hindi matanggap ni Binay na ang kanyang pagbagsak ay magaganap sa panahon ni PNoy lalo na’t ito’y anak ni Pangulong Cory na unang nagluklok sa kanya sa gobyerno.
Lantaran nang ipinapakita ni Binay kung gaano na siya kadesperado, sukdulang batikusin si PNoy na ni isang kusing na pera ng bayan ay wala namang ibinulsa.
Tama ang diskarte ni PNoy, ang balewalain na lang ang pag-atake sa kanya ng isang taong kumakaripas ng takbo sa takot na makaharap ang mga multong sila mismo ang lumikha.
Alam kasi niya na hindi puwedeng maging campaign material ng isang mandarambong na kandidato ang pagbatikos sa isang matinong opisyal ng gobyerno.
Hustisya sa US, dapat gayahin sa ‘Pinas
ISINULONG ng US Department of Justice na makompiska ang $12.5 milyong halaga ng ari-arian sa Amerika ni pork barrel queen Janet Lim-Napoles.
Sina ni Assistant Attorney General Leslie Caldwell na hindi papayagan ng Justice Department na maging palaruan ang US ng mga corrupt at gawing taguan ng kanilang nakaw na yaman.
Ngayon pa lang ay kabado na ang mga magnanakaw sa Filipinas, lalo na nang lagdaan kamakalawa ng gobyerno ng Filipinas at US ang isang kasunduan na magpapatupad sa Foreign Account Tax Compliance (FATCA).
Ibig sabihin ay awtomatikong ire-report ng Filipinas sa US internal Revenue Service ang lahat ng financial accounts ng lahat ng Amerikano sa ating bansa at gayondin ang gagawin ng US sa mga yaman ng Filipino sa Amerika.
May pruweba na ang sinseridad ng US sa adbokasiya laban sa ill-gotten wealth, ibinalik nila sa kaban ng Filipinas ang $1.3-M assets ni ret. Maj. General Carlos Garcia na itinago sa Amerika.
Pero ang ‘Pinas, sa sarili mismong lupain, ay hindi kayang bawiin ang nakaw na yaman, at ang pinakamatibay na ebidensiya hanggang ngayon ay hindi pa isinasauli ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada ang daan-daang milyong pisong dinambong niya sa kaban ng bayan.
Tsk tsk tsk… kung sa US pala nasentensiyahan si Erap sa kasong plunder, siguradong wala siyang napakinabangan sa ninakaw niyang kuwarta at tiyak na hindi na nakabalik sa puwesto.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]