Sa kabilang banda, kasabay na inilunsad ng #ParaNormal Activity noong Sabado ang kakaiba at modernong bersiyon ng LolaBasyang.com ng tradisyonal at makasaysayang Pinoy icon na si Lola Basyang. Madalas na nakikita ang mga paglalarawan kay Lola Basyang na isang maamong matandang babaeng puti ang buhok at nakaupo sa tumba-tumba. Naidikit na rin sa kanya ang mga kuwento ng kagandahang asal at mga Filipinong kuwentong bayan.
Pero sa bagong henerasyon ng LolaBasyang.com, techie at isang blogger na si Lola B na nagkukuwento sa kanyang mga apong nasa abroad sa pamamagitan ng internet at webcam. Gagampanan ng beteranang aktres na si Boots Anson-Roa ang title role.
“Ang nangyayari ngayon, habang mas nagiging modern ang buhay natin gamit ng teknolohiya, mas lalo dapat nating balikan ‘yung mga nakagisnan nating Filipino values,” kuwento ng director at producer na si Perci Intalan, isa sa nakaisip at bumuo ng series na ito kasama ang award winning filmmaker na si Jun Robles Lana.
Kaya tuwing Sabado, mapapanood ang mga hitik sa aral na kuwentong gaya ng kay Maryang Makiling, Ang Plawtin ni Periking, Rosa Mistika, at Ang Prinsipeng Mapaghanap.
Mapapanood ang LolaBasyang.com tuwing Sabado, 7:00 p.m. sa TV5.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio