MULING iginiit ni Gilas Pilipinas coach Tab Baldwin na ang PBA at hindi siya ang maglalabas ng listahan ng 26 na manlalaro na isasama niya sa bagong national team na naghahanda para sa FIBA Asia Championships sa Tsina sa Setyembre.
Sa panayam ng www.interaksyon.com/aktv, sinabi ng Amerikanong coach na makikipag-usap siya sa mga team owners at ng PBA mismo bago ilabas ang listahan.
“The PBA will announce the list, as I understand it, after we’ve met with all the owners and we haven’t done that,” wika ni Baldwin. “The PBA has the list and they have it and that’s been on the record for quite some time.”
Naunang isinumite ni Baldwin ang listahan sa PBA bago magsimula ang Governors’ Cup ngunit ayaw muna itong ilabas ng PBA hangga’t di pa tapos ang torneo.
Sinabi rin ng coach na ilan sa mga dating naglaro sa Gilas ay kasama sa listahan.
Mag-uusap-usap sina Baldwin at ang coaching staff ng Gilas kasama ang mga opisyal ng Samahang Basketbol ng Pilipinas tungkol sa magiging training camp nila sa Europa bago sila sumabak sa FIBA Asia.
Inaasahang lalaro rin ang bagong Gilas sa Jones Cup sa Taiwan sa katapusan ng buwang ito.
(James Ty III)