NAIS ng Alaska Milk na makaulit samantalang reresbak naman ang defending champion Star Hotshots sa kanilang muling pagtutuos sa Game Two ng best-of-five semifinal round ng PBA Governors Cup mamayang 7 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Binura ng Aces ang 18-puntos na bentahe ng Hotshots sa first half at nagwagi 97-91 sa Game One noong Miyerkoles.
Kung mamamayagpag muli ang Alaska Milk mamaya ay puwede na nilang tapusin ang serye sa Linggo at makarating sa best-of-seven Finals sa ikalawang pagkakataon sa kasalukuyang season. Sumegunda sila sa San Miguel Beer sa Philippine Cup.
Pero nangako si Star coach Tim Cone na ibayong tikas ang ipakikita ng Hotshots sa hangaring maitabla ang serye. Nais ng Star na magkaroon ng tsansang mapanalunan ang ikatlong sunod na Governors Cup championship.
Nasayang ang magandang simula ng Star sa Game One kung saan lumamang sila, 26-16 matapos ang first quarter at 51-36 sa halftime.
Nakabawi ang Aces sa second half kung saan nagtulong ang import na si Romeo Travis at mga guwardiyang sina JVee Casio at Chris Banchero.
Si Travis ay gumawa ng 11 sa kanyang game-high 28 puntos sa third quarter upang makatabla ang Aces, 70-all. Nagdagdag ng 18 si Casio at 10 si Banchero.
‘“We assertted our identity in the second half and that gave us a lift,” ani Alaska Milk coach Alex Compton .
Sumasandig din si Compton kina Calvin Abueva, Sonny Thoss, Cyrus Baguio, Dondon Hontiveros at Vic Manuel.
Ang Star ay nakakuha ng 23 puntos ,siyam na rebounds, tatlong steals, tatlong blocked shots at dalawang assists buhat kay Marqus Blakelyy.
Ang mga locals na nag-deliver para sa Star ay sina Peter June Simon (16), Mark Barroca (15) at James Yap (13). Subalit si Yap ay nalimita sa tatlong puntos sa second half matapos na magtala ng sampu sa first half. (SABRINA PASCUA)