PUWEDE namang pabalikin ng Alaska Milk si Wendell McKinnis para sa PBA Governors cup subalit minabuti ni coach Alex Compton na sumubok sa isang bagong import.
Kinuha niya si Romeo Travis at ni-release si McKinnis na kinuha naman ng Rain Or Shine.
Well, kapwa nasa semifinal round na ngayon ang Aces at Elasto Painters at kung papalarin, baka magkita pa silang dalawa sa best-of-seven championship round ng season-ending tournament.
Kung titignang maigi, masasabing may katwiran si Compton sa pagsubok kay Travis.
Kumbaga’y nais niya ng ’clean slate.’
Hindi naman siya ang kumuha kay McKinnis noong nakaraang season. Kung magugunita, si Luigi Trillo pa ang coach ng Alaska Milk noon. Pero makaraan lang ang ilang games sa Governors Cup ay nagbitiw ito at itinalagang kapalit niya si Compton.
Kung titignan ang credentials ni Travis ay hindi naman din masama ito. Ayon pa nga sa kanyang bio-data ay kakampi niya sa college si Cleveland Cavaliers superstar LeBron James.
Nakapaglaro din siya sa Croatia, Ukraine at Russia bago nakuha ni Compton.
Pero sa umpisa ay nangapa ang Alaska Milk. Kasi nga’y hindi pa naman nila kabisado si Travis
Subalit nang makita na ang tunay na laro nito, aba’y humarurot at ang Aces at naging No. 1 team sa pagtatapos ng elimination round.
Idinispatsa ng Alaska Milk ang Barangay Ginebra sa quarterfinals at nagwagi kontra defending champion Star, 97-91 sa Game One ng semis.
Dahil dito ay maituturing na leading contender si Travis para sa Best Import award ng Governors Cup. Kung aabot sa Fiinals ang Aces ay malamang na siya na ang magwawagi.
At siyempre, kung aabot sa Finals ang Alaska Milk at magkakampeon, aba’y masasabing tama ang sugal na ginawa ni Compton sa pagkuha kay Travis!
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua