PINAGHAHANAP ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaki na inakusahan bilang ‘stalker’ ng aktres na si Mila Kunis makaraang makatakas mula sa Los Angeles County mental health facility sa pamamagitan ng pag-akyat palabas ng bintana sa banyo at pagsampa sa barbed-wire fence ng nasa-bing pasilidad.
Ayon sa probation officials, nagsasagawa na sila ng ‘manhunt’ para ma-recover si Stuart Lynn Dunn, ngunit walang local contact at wala rin silang ano mang lead para ma-secure ang stalker.
Naglaho si Dunn bandang 7:30 ng gabi mula sa Olive Vista Behavioral Health Center sa Pomona, ani Deputy Chief Reaver Bingham ng probation department ng Los Angeles county.
“Pumasok siya para mag-shower,” salaysay ni Bingham, “at nang hindi na siya lumabas tiningnan namin kung nasaan na siya.”
“We’re treating him as dangerous,” dagdag ng opisyal. “Hindi namin alam kung anong ‘state of mind’ mayroon siya. Mayroon nga lang siyang fixation sa orihinal niyang biktima, kaya iyon ang dahilan.”
Personal na ipinagbigay-alam kay Kunis ang tungkol sa pagtakas ni Dunn.
Nang tanungin kung binibigyan ang aktres ng proteksiyon, sinabi ni Bingham na mayroong law enforcement protocol para sa ganitong sitwasyon ngunit hindi niya maaaring ihayag ito. Hindi rin daw niya alam kung ano ang ano mang private measure na ginawa ni Kunis.
Matapos dakpin noong Enero 2, nagpahayag ng ‘no contest’ si Dunn sanhi ng pagsunod niya bilang stalker ng bida ng pelikulang Black Swan at co-host ng television series na That ‘70s Show.
Kinalap ni Tracy Cabrera