MARAMING racing aficionados ang nagtataka sa bagong diskarte dito kay 1st Leg Triple Crown winner na si Superv.
Bakit nga ba hindi magtataka ang mga marurunong sa karera—eh bakit biglang-bigla ay nabago ang diskarte ng pagdadala dito kay Superv.
Matatandaan na nanalo itong si Superv sa 1st Leg ng Triple Crown sa pamamagitan ng remate. Ikanga ng mga kaklase natin sa karera—bigla na lang bumulaga sa meta si Superv para ilista ang panalo sa unang Leg ng Triple Crown.
Pero nito ngang second Leg na kung saan ay humaba pa ang distansiya ay binandera ito at talaga namang napahirapan ng husto sa unahan kung kaya natalo.
Heto ngang Erap Cup na ginanap noong linggo sa San Lazaro ay kahanay na naman ni Superv ang mga nakalaban sa Triple Crown at inaakala ng lahat na ibabalik sa dating diskarteng deremate ang kampeon kabayo dahil nga sa mahabang distansiyang 1,750 meters at pinalitan ang dati nitong hinete nito na si J. A. Guce at pinakasakay kay F. M. Raquel Jr. Pero desmayado uli ang racing aficionados dahil muling inuna ito at hayun—kinapos uli pagsungaw ng meta. Tinalo siya ng deremateng si Sky Hook at sumegunda pa ang kabayong Icon.
Tiyak na magsisilbing aral na sa horseowner na si K. G. Chua ang dalawang pagkatalo ni Superv. Hindi pa huli para ibalik ang dating pagdadala sa kampeong kabayo. Medyo malayo-layo pa ang and 3rd Leg ng Triple Crown para makapagprepara.
0o0
Bakit nga ba nagagalit itong fans at ang pamunuan ng Barangay Ginebra kapag nababanggit ang salitang KANGKONG?
Well, siguro nasasaktan sila kapag nababanggit na parating sa kangkungan ang bagsak ng Barangay Ginebra kapag nasisipa sa kontensiyon sa mga conference ng PBA.
Para kasing lumalabas na pipitsugin ang team kapag nababanggit ang salitang kangkong. He-he-he.
Katulad ngayon, nasipa na naman sila sa quarterfinals nang talunin ng Alaska.
Well, wala dapat pikunan. Tanggapin nila ang katotohanan na natatalo ang team. Dapat ay magsilbing hamon sa kanila iyon lalo na sa mga players para pagbutihin ang laro. Ipakita nila na hindi sila karapat-dapat na bumagsak sa kangkungan.
Nakakahiya na kasi sa mga fans nila na mataas ang ekspektasyon sa team.
KUROT SUNDOT – Alex L. Cruz