NILISAN niya ang eskuwela para maging isang matansera! Alam n’yo ba kung bakit? Marami sa atin ang nahihirapan magtrabaho habang ang iba nama’y nag-aaral nang mabuti para makapagtapos ng kolehiyo upang magkaroon ng degree at makakuha ng magandang trabaho, ngunit ano ang gagawin kung biglang kailanganin ng negosyo ng iyong pamilya?
Siya si Charlene Chang, isang 25-anyos dalaga, nag-aaral para magkaroon ng degree sa pilosopiya sa Fu Jen Catholic University na nilisan ang kanyang eskuwelahan para maging isang matansera sa kanilang family business sa Dongmen Market sa Taipei.
Talagang nagulat ang karamihan sa bigla niyang career shift sa kaalamang siya’y isang magandang dilag na ngayo’y isang butcher sa palengke. Napaka-perfect niya na hindi aasahang ang hanapbuhay niya ay tagakatay ng baboy at baka!
At tunay na nagbago ang eksena sa wet market nang dumating siya para magtrabaho rito. Marami sa mga kostumer ang nagdesisyong sa kanyang puwesto bumili para lang makausap siya. May ilan ding umiistambay para malaman lang ang numero ng kanyang telepono.
May mga ina at lola na nagpupunta din sa kanya para humingi lang ng pabor at umaasa na mapangasawa siya ng kanilang anak o apo.
Sobrang popular siya sa palengke kaya binansagan siyang ‘Pork Princess.’ Sa kabila nang hindi rin naman niya gusto ang tawag sa kanya ng mga tao, wala rin naman siyang magawa tungkol dito.
Para sa lahat ng manliligaw niya, mga ina’t lola, tinatawanan niya lang at sina-bihan silang siya na mismo ang maghahanap ng tamang lalaki para sa kanya.
ni Tracy Cabrera