WALANG itulak-kabigin sa salpukan ng Alaska Milk at defending champion Star Hotshots sa Game One ng best-of-seven semifinals series ng PBA Governors Cup mamayang 7 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Ginapi ng No. 1 seed Alaska Milk ang crowd-favorite Barangay Ginebra, 114-108 upang maunang pumasok sa semifinals.
Kinailangan naman ng fifth-seed Star na magwagi ng dalawang beses sa fourth-seed Globalport upang masundan ang Aces sa semis. Tinambakan ng Hotshots ang Batang Pier sa Game One, 126-73 at nagwagi 101-94 sa Game Two noong Linggo.
Magugunitang ang Star at Alaska Milk ay nagtagpo sa quarterfinals ng nakaraang Commissioner’s Cup kung saan winalis ng Hotshots ang Ace, 2-0
Ang Aces ay naghahangad na makarating sa Finals sa ikalawang pagkakataon sa season na ito matapos na sumegunda sa San Mguel Beer sa nakaraang Philippine Cup.
Nais naman ng Hotshots na mapanalunan ang ikatlong sunod na kampeonato sa Governors Cup.
Kontra Globalport sa winner-take-all game noong Linggo, ang Star ay pinamunuan ng import na si Marqus Blakely na nakakumpleto ng triple double nang magtala ito ng 15 puntos, 16 rebounds at 11 assists bukod pa sa apat na steals at tatlong blocked shots.
Sina Alex Mallari at two-time Most Valuable Player James Yap ay nagtala ng tig-17 puntos. Nagdagdag ng 14 si Peter June Simon at 13 si Joe DeVance.
Ang iba pang inaasahan ni Star coach Tim Cone ay sina Marc Pingris, Mar Barroca, Yousef Taha at Rafi Reavis.
Ang Aces ay sumasandig sa import na si Romeo Travis. Ang iba pang inaasahan ni coach Alex Compton ay sina Calvin Abueva, Joaquim Thoss, Cyrus Baguio, JVee Casio at Dondon Hontiveros.
Sa elimination round ay dinaig ng Alaska Milk ang Star, 92-86 noong Mayo 27.