NAPABALITANG nag-aalaga ang KFC (Kentucky Fried Chicken) ng mga manok na may walong paa, at ito ang nagbunsod sa higanteng fast food chain na magbabala ng pagsampa ng kasong kriminal laban sa mga nagkalat ng balitang ito sa publiko.
Sa aktuwal, nagsampa na ng class suit ang KFC laban sa tatlong kompanya sa Tsina sanhi ng pagsisimula ng rumor campaign na kumukuwestiyon sa kalidad ng mga sangkap na gamit ng KFC, partikular na ang sinasa-bing eight-legged chicken na may anim na pakpak din.
Batay sa kasong isinampa ng KFC, sinadyang iligaw ng Chen An Zhi Chenggong Culture Communications Ltd., Wei Lu Kuang Technology at Ling Dian Technology ang mga consumer sa pamamagitan ng paglalagay ng mga larawan at artikulo sa online at social media na nakasira sa reputasyon ng fast food chain.
Humihiling ang KFC ng damages na umaabot sa 1.5 milyong yuan (hindi kukulangin sa US$242,000) at apologies mula sa bawat kompanya, bukod sa pagpapatigil sa patuloy na pagkalat ng ‘misinformation.’
Ang pagsasampa ng kaso ng KFC ay kasabay sa programa ng pa-mahalaang Tsina na ipatigil at hulihin ang sino mang nasa likod ng sina-sabi nitong mga ‘online rumor’ na binalaan nilang mahaharap hanggang sa tatlong taong pagkabilanggo.
Ang KFC ang pinakamalaking restaurant operator ng Tsina, na sumasakop sa halos kalahati ng revenue nito. Lumaganap ang mga tsismis ukol sa kakaibang mga manok sanhi ng pangamba ukol sa kaligtasan sa kalusugan ng ilang mga pagkain in general. Nagbunsod ito ng 9 na porsiyentong pagbagsak sa net revenue para sa corporate parent ng KFC na Yum Brands sa unang fiscal quarter ngayon taon kung ihahambing sa nakaraang taon.
Kinalap ni Tracy Cabrera