PLANO ng Basketball Japan League (BJ-League) na magsagawa ng ilang mga tune-up na laro kontra sa mga koponan ng PBA.
Ito ang ibinunyag ng executive director ng BJ League na si Tetsuya Abe nang bumisita siya sa mga laro ng PBA Governors’ Cup noong Linggo.
“Competition is high level,” wika ni Abe sa pamamagitan ng interpreter sa www.interaksyon.com/aktv. “I’ve been watching the PBA and year by year, it keeps on improving. It’s very exciting that it almost led to a fight.”
Idinagdag ni Abe na planong gawin sa Setyembre ang mga posibleng larong kinatatampukan ng mga koponan ng PBA at BJ League.
“We’re open to that. We just have to look at the possible schedule,” tugon ni PBA operations chief Rickie Santos.
Sinuspinde ng FIBA ang Japan Basketball Association noong Nobyembre ngunit inaasahan na tatanggalin na ito dahil sa pagsasanib ng JBA at ng BJ-League para maging Japan Professional Basketball League.
Sa ngayon ay naglalaro sa PBA bilang Asyanong import ang Hapones na si Seiya Ando para sa Meralco Bolts.
(James Ty III)