IBINUNYAG kahapon ng team manager ng Gilas Pilipinas na si Severino “Butch” Antonio ang planong ipadala ang bagong national team ni coach Tab Baldwin sa William Jones Cup sa Taiwan bilang bahagi ng paghahanda nito para sa FIBA Asia Championships sa Setyembre.
Matatandaan na dalawang sunod na taon ay hindi sumali ang ating bansa sa Jones Cup dahil sa sigalot ng Pilipinas at Taiwan tungkol sa pagkamatay ng ilang mga mangingisdang Taiwanese sa ilang tropa ng Philippine Coast Guard noong 2013.
Bukod pa rito, sinabi ni Antonio na plano ring isabak ang Gilas sa ensayo sa Europa, lalo na sa Istanbul, Turkey.
Matatandaan na noong panahon ni Chot Reyes bilang coach ng Gilas ay nag-ensayo ang national team sa Lithuania at malaking tulong ito para makuha ng Gilas ang ikalawang puwesto sa FIBA Asia Championships sa Pilipinas at makasali sa FIBA World Cup sa Espanya.
Idinagdag ni Antonio na makakasama ng Gilas sa Europa ang kanilang naturalized na manlalarong si Andray Blatche.
Naglaro si Blatche sa FIBA World Cup ngunit hindi siya pinayagang makalaro sa Asian Games sa Incheon, Korea kaya si Marcus Douthit na lang ang ginamit ng Gilas.
ni James
Ty III