PAGKATAPOS na dalhin niya ang San Miguel Beer sa titulo noong PBA Philippine Cup, pakay ni June Mar Fajardo na makuha ang ikalawang sunod na parangal bilang Most Valuable Player ng liga.
Ayon sa mga statistics na inilabas ng PBA noong Biyernes ng gabi, nagtala ng average na 36.7 statistical points si Fajardo, kabilang ang kanyang 35.1 SPs upang manguna rin para sa pagiging Best Player ng Governors’ Cup.
Ngayong eliminations ng ginaganap na torneo ay nag-a-average si Fajardo ng 15.5 puntos, 12.8 rebounds at 1.4 supalpal upang pangunahan ang Beermen sa pagiging top seed sa quarterfinals.
Matatandaan na naging Best Player ng Philippine Cup si Fajardo at sisikapin niyang duplikahin ang pagiging back-to-back MVP ng kanyang dating kakampi sa Beermen na si Danny Ildefonso noong 2000 at 2001.
Kasama rin sa Top 5 para sa MVP ay sina Jayson Castro ng Talk n Text (29.09 SPs), Greg Slaughter ng Barangay Ginebra San Miguel (29.07) at ang magkakamping sina Stanley Pringle (28.8) at Terrence Romeo (28.5) ng Globalport.
Numero uno si Pringle para sa pagiging Rookie of the Year habang sumunod sa kanya si Matt Ganuelas-Rosser ng TNT na may 22.5 SPs.
Sa karera pa rin ng Best Player, nasa Top 5 kasama ni Fajardo sina Romeo (34.9 SPs), Pringle (30.4), Asi Taulava ng North Luzon Expressway (28.0) at Castro (28.0).
At sa Best Import, nangunguna ngayon si Jarrid Famous ng Globalport sa kanyang 60.4 SPs dahil sa kanyang mga averages na 31.1 puntos, 24.4 rebounds at 2.1 supalpal bawat laro.
Tabla sa ikalawang puwesto sina Liam McMorrow ng Barako Bull at Orlando Johnson ng Ginebra na parehong may 53 SPs. (James Ty III)