PAG-AARALAN ng National Collegiate Athletic Association ang aplikasyon ng Centro Escolar University para sa posibilidad na maging bagong miyembro ng pinakamatandang collegiate league sa bansa.
Nagtatag ng five-man screening committee ang NCAA para suriin ang mga paaralan na nais na mapabilang sa liga sa hinaharap.
Ginawa ito ng NCAA kahit lumawig na sa 10 ang kanilang regular members matapos pormal na tanggapin ang Lyceum of the Philippines University at Emilio Aguinaldo College bilang bagong kasapi sa Season 91.
Ang dalawang paaralan ay sumailalim sa mahabang probationary period at makakasama bilang regular members ang San Beda, Letran, San Sebastian, Jose Rizal University, Arellano, St. Benilde, Perpetual Help at Mapua na siyang punong abala ngayong taong ito.
Ang Scorpions ay naglalaro sa National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) at sila ang back-to-back champion sa basketball.
Bukod sa CEU ay nagbigay ng impresyon ang Philippine Christian University (PCU) ng pagnanais na bumalik sa liga.
Matatandaan na ang Dolphins ay tinanggap noong 1996 at sumailalim sa voluntary leave noong 2009-10 season matapos mapatunayan na gumamit ng mga ineligible na manlalaro ang junior basketball team noong 2007-08 season.
Malabo nang makasama ang mga koponang nabanggit sa taong ito pero may posibilidad na mapabilang sa susunod na taon lalo na kung maisusumite agad ng mga ito ang mga kakailanganing dokumento para sila ay matanggap sa NCAA. (James Ty III)