BAKBAKANG umaatikabo ang inaasahan sa pagitan ng Café France at Hapee Toothpaste na magtutunggali sa winner-take-all Game Three ng Finals ng PBA D-Leage mamayang 3 pm sa Ynares Arena sa Pasig City.
Naungusan ng Bakers ang Fresh Fighters, 76-70 sa Game Two noong Lunes upang mapuwersa ang rubber match. Ang Café France ang kauna-unahang koponan sa kasaysayan ng D-League na nakapuwersa ng Game Three sa Finals.
Nagwagi ang Hapee Toothpaste sa Game One, 83-72 subalit nabigong tapusin ang serye’t at iuwi ang ikalawang sunod na titulo.
Naging highest pointer ng Café France si Samboy de Leon na nagtala ng 14 puntos sa Game Two. Gumawa siya ng tatlo sa anim na tira buhat sa three-point area. Si Alfred Batino ay nagdagdag ng 11 puntos.
Si Rodriguez Ebondo ay nagtapos ng may double-double (10 puntos at 10 rebounds).
Nakatulong din ang ex-pro na si Eliud Poligrates na gumawa ng insurance basket may 15 segundo ang nalalabi sa laro.
Ang iba pang inaasahan ni Café France coach Edgar Macaraya ay sina Maverick Ahanmishi, Jamison Cortes, Yutien Andrada at Michael Miranda.
Ito ang unang pagkakataong nakarating sa Finals ang Café France na isa sa mga founding members ng D-League.
Ang Hapee Toothpaste ay pinamunuan ni Chris Newsome na nagtala ng 15 puntos at 10 rebounds. Gumawa din ng 14 puntos at 10 rebounds si Art dela Cruz samantalang nagdagdag ng 13 si Troy Rosario.
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua