PUWEDE nang magsumite ng aplikasyon ang mga nais sumali sa PBA Rookie Draft ngayong taong ito na gagawin sa Agosto 23 sa Robinson’s Place Manila.
Ang mga amatyur na manlalaro na nais sumali sa draft ay kailangang umabot sa 21 taong gulang ngayong araw, bukod sa paglalaro ng dalawang komperensiya sa PBA D League.
Ang mga Fil-Ams ay hanggang Hunyo 30 upang isumite ang kanilang aplikasyon, kasama ang kanilang mga papeles mula sa Department of Justice at Bureau of Immigration upang patunayan na sila’y tunay na Pinoy.
Ang mga local na manlalaro naman ay hanggang Agosto 7 upang isumite ang kanilang mga papeles.
”I’ve seen a lot of new talents in the D-League so I’m pretty sure that the coming PBA season will be a lot more exciting. I think by this time, some PBA teams have already identified their prospects,” wika ni outgoing PBA commissioner Chito Salud.
Ang papalit kay Salud na si Chito Narvasa ang mangunguna sa draft.
Ilan sa mga amatyur na inaasahang magpapalista sa draft ngayong taong ito ay sina Garvo Lanete, Troy Rosario, Moala Tautuaa, Almond Vosotros, Norbert Torres at Roi Sumang.
(James Ty III)