MANGIYAK-NGIYAK si Nora Aunor nang tanggapin at pasalamatan ang bumubuo ng 38th Gawad Urian Awards gayundin ang mga taong sumuporta at gumabay sa kanya noong Martes ng gabi dahil sa pagbibigay sa kanya ng Natatanging Gawad Urian award para sa kanyang mga kontribusyon sa pelikulang Filipino. Ginanap ang Gawad Urian ABS-CBN Studio 10.
“Maraming salamat sa lahat ng mga taong nakatrabaho ko. Ipinangangako ko sa inyo na mas gagalingan ko pa ang aking trabaho dahil sa award na ito,” giit ni Nora na sinabi ring nanginginig siya sa pagtanggap ng award na iyon. “Hindi naman ako ganito sa Malaysia (nang tumanggap din siya ng pagkilala roon),” dagdag pa niya.
Labis ding pinasalamatan ni Nora ang kanyang loyal fans na walang sawa sa pagsuporta sa kanya. “Kung hanggang ngayon mahal niyo pa rin ako, mas mahal ko kayong lahat,” dagdag pa ni Ate Guy na binigyan ng standing ovation nang tawagin ang kanyang pangalan para sa naturang pagkilala.
Nangibabaw naman ang galing ni veteran indie filmmaker na si Lav Diaz dahil iniuwi niya ang apat na major awards, ito ay ang Best Picture, Best Director, Best Screenplay, at Best Editing para sa kanyang 2014 indie drama na, Mula Sa Kung Ano Ang Noon na ipinalabas ng live sa Cinema One noong Martes din ng gabi.
Hindi nakarating si Lav kaya tinanggap at pinasalamatan na lamang ng kinatawan niya ang Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP) dahil sa pagkilala sa talento niya.
Sobrang ikinatuwa naman ng mga first time winners na sina Eula Valdez, Gladys Reyes, Allen Dizon, at Martin del Rosario ang natamong tagumpay. Si Eula ang binigyan ng Gawad Urian Best Actress para sa Dagitab, si Allen ang Best Actor para sa Magkakabaung, Best Supporting Actor si Martin para sa Dagitab, at Best Supporting Actress si Gladys para sa Magkakabaung.
Maraming artista ang nakiisa at dumalo sa 38th Gawad Urian. Ilan sa nakita namin ay sina Brilliante Mendoza, Nonie Buencamino, Shamaine Buencamino, Nova Villa, Angel Aquino, Angeli Bayani, Paulo Avelino, Jolina Magdangal, Angelica Panganiban, Sandino Martin, Martin del Rosario, Alex Medina, Jed Madela, Kyla, Darren Espanot, at Gwyneth Dorado.
Nagbigay entertainment naman Asia’s Got Talent grand champion na El Gamma Penumbra sa kanilang espesyal na opening number na nagbibigay pugay sa pelikulang Filipino.
Ang mga miyembro ng MPP ay kinabibilangan nina Rolando Tolentino, Grace Javier Alfonso, Butch Francisco, Mario Hernando, Bienvenido Lumbera, Miguel Rapatan, Benilda Santos, Dr. Nicanor Tiongson, Tito Genova Valiente, at Lito Zulueta.
Narito ang kompletong listahan ng mga nagwagi sa Gawad Urian: Best Picture—Lav Diaz, Mula Sa Kung Ano ang Noon; Best Director—Lav Diaz, Mula Sa Kung Ano ang Noon; Best Screenplay—Lav Diaz, Mula Sa Kung Ano ang Noon; Best Actress—Eula Valdez, Dagitab; Best Actor—Allen Dizon, Magkakabaung; Best Supporting Actress—Gladys Reyes, Magkakabaung; Best Supporting Actor—Martin del Rosario, Dagitab; Best Cinematography—Neil Daza, Bwaya; Best Editing—Lav Diaz, Mula Sa Kung Ano ang Noon; Best Production Design—Popo Diaz, Dementia; Best Music—Erwin Fajardo, Bwaya; Best Sound—Corinne De San Jose, Violator; Best Documentary—Walang Rape sa Bontok; at Best Short Film—Kinabukasan ni Adolf Alix Jr..
Binabati namin ang lahat ng nagsipagwagi gayundin ang bumubuo ng MPP dahil sa matagumpay nilang awards night.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio