NATUWA ang head coach ng Sinag Pilipinas na si Thomas “Tab” Baldwin sa ipinakita ng kanyang mga bata sa katatapos ng 28th Southeast Asian Games sa Singapore kung saan muling napanatili ng mga Pinoy ang gintong medalya.
Nakalusot ang Sinag kontra Indonesia, 72-64, noong Lunes ng gabi upang makumpleto ang limang sunod na panalo sa kabuuan ng SEAG.
Ito ang ika-26 na sunod na taon na dinomina ng Pilipinas ang basketball sa SEAG pagkatapos na matalo ito kontra Malaysia sa Kuala Lumpur noong 1989.
Ang maganda para kay Baldwin, kahit ilan sa mga kalaban nila ay naglalaro sa ASEAN Basketball League, kaya ng mga amatyur na manalo pa rin sa SEAG kahit may ilang mga kritiko ay mas nais na mga manlalaro ng PBA ang ipadala roon.
“They’re tough kids. This is not an easy tournament. If anybody thought it’s going to be easy, you review your thinking the next year, the next SEA Games. It’s not easy,” ani Baldwin.
Pagbalik sa Pilipinas ay halos lahat ng mga manlalaro ng Sinag ay magpapalista sa PBA Rookie Draft tulad nina Troy Rosario, Almond Vosotros at Norbert Torres samantalang babalik sa kani-kanilang mga pamantasan sina Kiefer Ravena, Baser Amer, Mac Belo, Kevin Ferrer at Scottie Thompson.
Aasikasuhin naman ni Baldwin ang paghahanda ng Gilas Pilipinas katulong ang PBA para sa FIBA Asia Championships na gagawin sa Setyembre.
Ang torneong ito ay qualifier para sa 2016 Rio Olympics. (James Ty III)