LIVE na ipalalabas ng Cinema One ang ika-38 Gawad Urian para sa mga natatanging Filipino sa larangan ng pelikula para ipagdiwang ang mga pelikulang nag-iwan ng marka noong nakaraang taon ngayong Martes (Hunyo 16), 8:00 p.m..
Sama-samang maghahandog ng isang espesyal na tribute sina Jed Madela, Darren Espanto, Kyla, at Gwyneth Dorado para kay Nora Aunor, ang pinarangalang Natatanging Gawad Urian ng taon.
Magpapakitang gilas din ang Asia’s Got Talent grand winner, El Gamma Penumbra na may baong nakapapanabik na song and dance number.
Bukod dito, dapat ding abangan kung anong pelikula ang mag-uuwi ng pinakamaraming parangal. Nangunguna sa listahan ng mga nominado ang indie drama films na Dagitab, Barber’s Tales, Bwaya, at Mula Sa Kung Ano Ang Noon.
Mahigpit din ang kompetisyon sa Best Actor, Best Actress, Best Supporting Actor, at Best Supporting Actress na kategorya dahil ang lahat ng mga nominado ay nakatanggap ng magagandang review para sa kanilang hindi mapapantayang pag-arte.
Ang 38th Gawad Urian ay pangungunahan nina Angelica Panganiban, Robi Domingo, at Butch Francisco. Kasama rin sa presenters sina Nova Villa, Angeli Bayani, at Sandino Martin.
Ang Gawad Urian Awards ang pinakarespetadong award-giving body sa bansa dahil ang mga nagwagi ay pinipili ng kapisanan ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP) na kinabibilangan ng mga natatanging pangalan sa industriya.
“Pantay-pantay ang mainstream at indie filmmakers. Sinusuri ang bawat pelikula at pagganap gamit ang pinakamataas na pamantayan. Sa awards night din, ipinaliliwanag ng Manunuri ang criteria at kung bakit napili ang mga nanalo,” ani Mario Hernando, isa sa miyembro ng MPP.
Maliban kay Hernando, ang mga miyembro ng MPP ay binubuo nina Rolando Tolentino, Grace Javier Alfonso, Butch Francisco, Bienvenido Lumbera, Miguel Rapatan, Benilda Santos, Dr. Nicanor Tiongson, Tito Genova Valiente, at Lito Zulueta.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio