SUSUBUKANG muli ng Philippine Azkals na makapasok sa World Cup ng football sa pamamagitan ng 2018 World Cup Qualifiers na magsisimula na sa Huwebes (June 11) laban sa Bahrain sa Philippine Arena sa Bulacan.
Ang Azkals Manager na si Dan Palami at Head coach Thomas Dooley ay di na makapaghihintay na isabak ang pinakamalakas umano na line up ng Men’s National Team sa kasaysayan. Lipas na ang mga araw kung saan parating sumusugal ang Azkals sa mga “long balls” o malalayong pasa na naging kahinaan ng koponan dahil sa mabilisang resbak ng mga kalaban kung saan hindi sila makadepensa. Naging mahaba at napakahirap na proseso ang pinagdaanan ng koponan sa ilalim ni Dooley upang baguhin ang kanilang pamamaraan ng paglaro sa field.
Palalakasin ang Azkals ngayong taon ng mga nagbabalikang players tulad nina Stephan Cabizares-Schrock, na isang solid attacking midfielder para sa team bago ito nawala panandalian, at ang keeper na si Neil Dula-Ethridge, na matagumpay namang nagmando sa poste noon. Pero ang ikinatutuwa ng lahat, kahit na ang mga tao sa Philippine Football Federation (PFF), ay ang apat na key players, tatlo umano’y magiging “face of the team” sa hinaharap at kasalukuyang nagpalakas sa pinakamahinang aspeto umano ng koponan: ang midfield.
Ang mga binatilyong sina Kevin Langbhen-Ingreso, na lumaki sa Germany, ay nagpasyang isuot ang uniporme ng Pilipinas kasama sina Iain Irinco-Ramsay at Luke Zantua-Woodland upang palakasin ang midfield ng Azkals kasama sina Simone Mondiali-Rota, Patrick Alcala-Reichelt, Manny Gelito-Ott, Martin Pineda-Steuble, at Schrock. Lumaki sa ibang bansa ang tatlo at bagamat maglalaro sila sa likod ng mga beterano, sadyang kakaiba naman ang kanilang pagsasanay sa mga bansang kanilang kinalakihan. Impressed na impressed ang PFF lalo na kay Ingreso dahil ang posisyon niya bilang player ay napaka-importante, ang puwesto niya sa field ang nagsisilbing tulay sa opensa at depensa ng Azkals na walang-wala talaga noon. Maari din siyang bumaba sa linya ng depensa para i-angkla ang pader na pro-protekta kay Ethridge at Patrick Deyto kasama sina Rob Dazo-Gier, Juani Aldeguer-Guirado at ang Fil-Japanese na si Daisuke Caumanday-Sato.
Hindi naman mawawala ang popular na striker ng Azkals na si Phil Placer-Younghusband na sasamahan sa itaas ni Fil-Spanish striker Javier Patino, na papalit kay Angel Aldeguer-Guirado at attacking midfielder na si Mark Hartmann. Ang tatlo ang magsisilbing kanyon ng Azkals sa kanilang laban sa Bahrain sa June 11.
Hindi magiging madali ang laban ng Azkals at ng bayan para makapasok sa grandiosong FIFA World Cup na gaganapin umano sa Russia. Kailangan nila ang suporta ng lahat ng Pilipino para maipakitang kaya natin ‘to at kaya nating makipagsabayan sa tinaguriang “The Beautiful Game.” Gusto ring makaganti ng mga bataan ni Dooley sa mga Bahraini na tumalo sa kanila noong Marso 2014.