NAKATUTUWANG pinasok na rin ni Mark Dionisio ang pagpo-prodyus. Mula sa paggawa ng mga sexy film noon at paglabas-labas sa mga serye ng ABS-CBN, ngayo’y pagpo-prodyus naman ang nais na pagtuunan ng pansin ng actor.
Ayon kay Mark, nami-mis niya ang showbiz kaya kahit maganda ang kalagayan niya sa Burmuda UK, umuwi siya ng ‘Pinas para muling subukan ang kapalaran sa showbiz. May negosyo rin siyang pinagkakaabalahan dito na kailangan niyang tutukan para maging maayos.
Ani Mark, sobrang na-miss niya ang pag-arte tulad ng mga naibigay sa kanya ni Direk Jerry Sineneng na papel sa Natutulog Ba Ang Diyos, Flordeluna, at Minsan Lang Kitang Iibigin.
Kung ating matatandaan, nakilala noon si Mark sa larangan ng pagpapa- sexy sa bakuran ng El Nino Films, Regal Films, at Seiko Films. Namayagpag ang pangalang Mark sa pagpapa-sexy, pero saglit lang naman iyon dahil napansin agad ang husay niya sa pag-arte. At kung mabibigyan muli siya ng pagkakataong makaarte, pagtutuunan niya ito ng pansin at bibigyan ng maraming oras para lalo pang mapagbuti ang galing sa pag-arte.
Hangad naming mabigyan muli ng ikalawang pagkakataon si Mark sa showbiz at nawa’y marami rin siyang matulungan sa pagpo-prodyus niya.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio