BAGAMA’T may six-game winning streak, hindi ubrang magkumpiyansa ang San Miguel Beer kontra Talk N Text sa kanilang pagkikita sa PBA Governors Cup mamayang 7 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Kapwa naman naghahangad na makakuha ng twice to beat advantage sa katapusan ng elims ang Alaska Milk at Meralco kung kaya’t inaasahang magiging masidhi ang pagkikita nila sa ganap na 4:15 pm.
Alam ni SMB coach Leo Austria na delikadong kalaban ang Tropang Texters lalo’t naghahangad itong makabawi sa tatlong sunod na kabiguang sinapit buhat sa Globalport (123-120), Meralco (119-85) at Rain Or Shine (88-73). Ang Tropang Texters ay bumagsak sa 3-4.
Sa kartang 6-2, halos abot na ng Beermen ang twice-to-beat advantage na nakataya para sa top four teams sa katapusan ng elims.
Ang San Miguel Beer ay sumasandig kay Arizona Reid na sinusuportahan nina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot at Chris Lutz.
Ang Tropang Texters ay pinamumunuan ng Amerikanong import na si Steffphon Pettigrew at Jordanian na si Sam Daghles.
Katulong nila sina Jayson Castro, Ranidel de Ocampo, Kelly Williams, Larry Fonacier, Harvey Carey at Jay Washnington.
Ang Alaska Milk ay nakabangon sa 113-102 pagkatalo sa NLEX nang tambakan nito ang KIA, 101-69. May 5-3 karta ang Aces at nasa ikatlong puwesto.
Ang Meralco ay nagwagi sa huling dalawang laro nito laban sa Blackwater (87-72) at Talk N Text at may 4-3 record. Kung mananalo sila sa Aces ay aangat sila sa ikatlo.
Si Romeo Travis ang main man ng Aces. Natutulungan siya nina Calvin Abueva, Cyrus Baguio, JVee Casio, Sonny Thoss at Dondon Hontiveros.
Ang Bolts ay binubuhat nina Andre Emmet at Asian reinforcement Seiya Ando. Katuwang nila sina Gary David, Cliff Hodge, Reynell Hugnatan, at Mike Cortez.
Tuloy ang aksyon bukas sa Big Dome kung saan hangad ng Barako Bull ang ikapitong panalo kontra KIA sa ganap na 4:15 pm. Sa 7 pm main game ay magkikita naman ang Rain Or Shine at NLEX.
(SABRINA PASCUA)