INILUNSAD ni Caitlyn Jenner, ang transgender Olympic champion na dating kilala bilang si Bruce, ang bago niyang pangalan at sexy look sa covershoot ng Vanity Fair magazine—para umani ng malawakang papuri at maitala ang smashing Twitter record.
Mainit na tinanggap ng mga lesbian, gay, bisexual at transgender campaigner—at marami rin mga well-wishers—ang high-profile debut, gayon din ng pamilya ng 65-anyos na si Jenner, kabilang ang media-savvy celebrity na angkan ng mga Kardashian.
Nagawang basagin ni Jenner ang record ni President Barack Obama na makakalap ng mahigit isang milyong Twitter follower sa pinakamaikling panahon—apat na oras lamang.
“Napakasaya ko matapios ang matagal na panahon na makapamuhay nang totoo,” isinulat ni Jenner sa kanyang unang tweet makaraang ilabas ng Vanity Fair ang July cover photo ni celebrity photographer Annie Leibovitz.
“Welcome sa mundo Caitlyn. ‘Di ko mahintay na makilala mo siya/ako,” dagdag ni Jenner, na nakasuot ng kulay kremang strapless bodysuit at mahabang buhok para sa isyu ng magazine ngayong buwan ng Hulyo.
Sa video clip ng photo shoot sa website ng Vanity Fair, sinabi ni Jenner: “Lagi na lang nagsisinungaling si Bruce. Laging binubuhay ang kasinungalingan. Araw-araw, mayroon siyang sikreto, mula umaga hanggang gabi.
“Pero walang sikreto si Caitlyn,” dagdag ni Jenner, reality television star, na nakagayak din ng itim na evening gown sa video.
“Sa sandaling lumabas na ang cover ng Vanity Fair, malaya na ako,” aniya.
Mabilis na pumahimpapawid ang ‘Caitlyn Jenner’ at hashtag #CallMeCaitlyn sa taluktok ng Twitterverse bilang top trending topic sa Estados Unidos at sa buong daigdig.
Binasag ni Jenner ang Twitter record ni Obama para sa pinakamaikling panahong umabot ng mil-yon ang mga follower, sa loob lamang ng apat na oras at tatlong minuto.
ni Tracy Cabrera