PINAGHAHANAP ngayon ng isang US recycling center ang isang babae na sinasabing nagtapon sa basurahan ng lumang Apple computer na lumilitaw na nagkakahalaga ng 200,000 dolyar (£130,000).
Nakalagay ang nasabing computer sa ilang mga kahon ng electronics na nilinis ng babae mula sa kanyang garahe makaraang pumanaw ang kanyang mister, ani Victor Gichun, bise presidente ng Clean Bay Area, sa Silicon Valley sa California.
Tumanggi ang babae sa tax receipt o iwan man lang ang kanyang contact information, at kung hindi pa lumipas ang ilang linggo nang buksan ng ilang manggagawa ang mga kahon at nadiskubre ang highly collectible na Apple I computer sa loob.
Iniulat ng San Jose Mercury News na ito ay isa sa 200 first-generation desktop computer na ipina-assemble ni Steve Jobs, Steve Wozniak at Ron Wayne noong 1976.
“Talagang hindi kami makapaniwala sa aming nakita. Akala namin peke,” pahayag ni Gichun sa panayam ng KNTV-TV.
Sa pagkaka-recover ng rare computer, naibenta ng Milpitas-based recycling firm ang lumang Apple I computer sa halagang 200,000 dolyar sa isang private collector, at dahil ipinagkakaloob ng kompanya ang 50 porsyento ng mga item na nabenta sa orihinal na may-ari, sinabi ni Gichun na nais niyang hatiin ang pinagbentahan sa mystery donor.
Ayon sa Clean bay Area official, natatandaan pa niya ang hitsura ng babae at hinihiling niya rito na magbalik para tanggapin ang kanyang 100,000 dolyar (£65,000) na tseke bilang porsyento sa bentahan.
Kinalap ni Tracy Cabrera