PINATAWAN ng indefinite suspension ang sportscaster ng TV5 na si Aaron Atayde dahil sa kanyang masamang biro sa harap ng kamera sa isang episode ng programang Sports360 noong Mayo 17.
Matatandaan na binatikos ng ilang mga netizens ang pagwagayway ni Atayde ng isang kangkong sa harap ng kanyang panauhing si Dylan Ababou ng Barako Bull bilang bahagi ng panayam ng dalawa tungkol sa posibilidad na babalik si Ababou sa Barangay Ginebra San Miguel.
Dating manlalaro ng Gin Kings si Ababou bago siya na-trade sa Barako ngayong Governors’ Cup.
Ayon sa isang source, nagalit ang pamunuan ng Ginebra sa ginawang ito ni Atayde dahil insulto ito sa Gin Kings na sa loob ng huling walong taon ay hindi pa nagkakampeon sa liga.
Ang biro tungkol sa kangkong ay base sa kasabihang pinulot sa kangkungan na isang biro ng mga kritiko ng Ginebra.
Dalawa pang beses umapir si Atayde sa Sports360 bago siya sinuspinde. (James Ty III)