KAHAPON ang huling laro ni Marcus Douthit para sa Blackwater Sports ngayong PBA Governors’ Cup.
Aalis sa Sabado si Douthit patungong Singapore kasama ang Sinag Pilipinas na lalaban para sa gintong medalya sa men’s basketball ng 28th Southeast Asian Games na magsisimula bukas.
Llamado ang mga Pinoy na mapanatili ang ginto dahil sa impresibo nilang pagwalis sa oposisyon sa SEABA tournament na ginanap din sa Singapore noong Abril.
Bukod kay Douthit, kasama rin sa Sinag sina Kiefer Ravena, Kevin Ferrer, Mac Belo, Glenn Khobuntin, Troy Rosario, Jiovanni Jalalon, Scottie Thompson, Norbert Torres, Almond Vosotros at Prince Rivero.
Lalaro nang walang import ang Elite kontra Talk n Text sa Hunyo 12 habang si Douthit ay nasa Singapore at susunod na makakaharap nila ang San Miguel Beer sa Hunyo 16 na araw ng closing ceremonies ng SEAG.
Dahil dito, plano ng team owner ng Blackwater na si Dioceldo Sy na maghanap ng pansamantalang import para palitan si Douthit.
“We’re getting a 6-11 former NBA player who recently played in Japan’s professional league. If he plays well, he may finish the conference for us,” wika ni Sy. (James Ty III)