NAGTAGUMPAY ang beekeeper na si Gao Bingguo, 55, ng east China’s Shandong province, nitong Mayo 25, 2015, na makapagtala ng world record para sa pagpapadapo ng pinakaraming bubuyog.
Ito ay kinompirma ng mga opisyal mula sa Carrying The Flag World Records, ayon sa The Associated Press.
Ang mga assistant ay naglagay ng maraming queen bees sa katawan ni Bingguo upang maka-attract ng worker bees bago siya binuhusan ng kahon-kahon ng bubuyog sa kanyang paa. Umaabot ang bubuyog sa 10,000 kilograms, ibig sabihin ay tinataya itong 1.1 milyong bubuyog na dumapo sa kanyang katawan.
Nakasuot lamang si Bingguo ng underwear at may nakasubong nakasinding sigarilyo upang hindi lumapit ang mga bubuyog sa kanyang bibig.
Kinagat siya nang hanggang 2,000 beses at ang temperatura ng kanyang katawan ay umakyat nang hanggang 140 degrees Fahrenheit.
Inianunsiyo ng judges na naitala ni Bingguo ang record sa kulang isang oras, ayon sa ulat ng Sky News.
Sa kabilang dako, sinabi ng Guinness World Records, higit na kilalang record-keeping authority, sa The Huffington Post, na wala pa silang naitatalang record ni Bingguo sa kanilang database.
Ang Guinness’ bee-wearing record-holder ay si Ruan Liangming ng China, na nagpadapo ng 140 pounds ng bubuyog sa kanyang katawan noong Mayo 2014.