LUMALAKAS ang ‘arrive’ ng idolo nating si Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang 2016 presidentiable kompara sa ibang nagpahayag na ng ka-handaan na maging kapalit ni PNoy sa Palasyo.
Ang estilo ni Duterte sa paggamit ng ‘kamay na bakal’ laban sa mga perhuwisyo sa lipunan ang nakikitang solusyon ng marami sa lumalalang kriminalidad.
Ngunit tulad ng matibay na kahoy na kapag itinabi sa pugad ng mga anay, hindi makaliligtas si Duterte na ‘kainin’ ng ilang masasamang elemento na ngayon na nakapasok sa kanyang bakuran.
Umaasa tayo na hindi totoong nasa loob ng kural ni Duterte si Lito Banayo na dating political adviser ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada nang nakaluklok pa sa Malacañang at naging administrator ng National Food Authority (NFA) sa administrasyon ni PNoy.
Isipin na lang natin kung ano ang kahihinatnan ng Filipinas kung ang payo na ibinigay ni Banayo kay Erap ang ibubulong rin niya kay Duterte.
Lumabas sa imbestigasyon ng Senado noong 2014 na ang pamamayagpag ni Davidson Ba-ngayan a.k.a. David Tan sa rice smuggling ay nagsimula sa panahon ng liderato ni Banayo sa NFA.
Nahawakan ni Tan ang MONOPOLYO ng IMPORT PERMIT mula sa NFA, sa kagandahang loob ni Banayo.
Mukhang hindi tugma sa posisyon ni Duterte laban sa rice smuggling ni Tan ang pakiki-pagkiskisang-siko niya ngayon kay Banayo.
“I will gladly kill him,” sabi ni Duterte kay Tan nang magkaharap sila sa Senate probe.
Malapit din si Banayo kay dating Sen. Panfilo Lacson, at alam ng lahat na naglalaway na ma-ging presidente “by hook or by crook.”
Sakaling suwertehin si Duterte sa 2016 pre-sidential bid, malamang na ang destabilization laban sa kanyang gobyerno ay magmumula kay Lacson dahil maraming naibibigay na datos sa kanya si Banayo.
Isa pang ‘aso’ ni Ping na nakapaligid din kay Duterte ngayon ay si Raymond B. na media handler daw ngayon ng Davao City Mayor.
Santisima! Hindi kaya alam ni Duterte na si Raymond B. ay malapit sa PR ng kalaban niyang si Boy Nograles?
Baka hindi namamalayan ni Duterte na nag-aalaga siya ng mga ahas na ano mang oras ay siya ring tutuklaw sa kanya.
Ang masaklap, baka nangangalap pa sila ng “dossier” na sa bandang huli ay magagamit ng grupo ni Ping laban kay Duterte.
PURO DAMBONG PERO MAYNILA BANGKAROTE
NOONG Enero 5, 2015, inihayag ni Erap na magiging debt free na ang Maynila, may P12-B pondo na ipantutustos sa mga programa at proyekto ng lungsod. Nasa “financial recovery” na raw ang siyudad kaya matatanggap na ng mga kawani ang fourth trance salary increase nila.
Pero nang ipakita sa kanya ang video ng rumble ng mga kabataan sa Blumentritt ay biglang nag-iba ng tono ang sentensiyadong mandarambong.
Kahirapan daw ang ugat nito at kahit gusto man niyang tulungan ay hindi niya magawa dahil bangkarote ang Maynila.
Paano magiging bagkarote ang Maynila ga-yong batay sa 2013 annual Commission on Audit (COA) report sa lungsod ay may halos tatlong bilyong piso ginastos ang administrasyon ni Erap na hindi pa niya maipaliwanag?
Paano magiging bagkarote ang siyudad kung puspusan ang pangongolekta ng Sto. Niño de Tondo Management and Consultancy Corporation sa mga vendor sa Recto Ave. na sakop ng Tondo at Binondo.
Siksik-liglig din ang koleksyon ng AL2FEREX ORGANIZERS, CO., na may tanggapan sa No. 50 Vista Verde Avenue Extension, Vista Verde Executive Village, Cainta, Rizal, sa mga vendor sa Carriedo at Hidalgo streets sa Quaipo.
Hindi ba’t paboritong pasyalan ni Erap ang mga vendor dahil ang mga pobreng tindera ay mistulang inahing manok na nangingitlog ng ginto para sa pamilya Estrada? Paano nakatutulog nang mahimbing at nalulunok ang pagkain ng mga pamilya ni Erap kung ang nilalamon nila at ipinanggagastos sa kanilang luho ay galing sa luha, pawis at dugo ng mahihirap?
Maka-mahirap ba si Erap na nakatira sa mansiyon na daan-daang milyong piso ang halaga habang ang inuuto niya para iboto siya ay walang sariling bahay at walang permanenteng trabaho? Nakasakay siya at ang kanyang pamilya sa magagarang kotse pero ang pinagmamalasakitan daw nilang mahihirap ay nakabilad sa araw o nagsisiksikan sa jeep, bus at LRT/MRT para lang makarating sa trabaho at makauwi sa bahay?
Gasgas na plaka na at hindi na papatulan ang pakulong Erap para sa mahirap, huwag na niyang lokohin maging ang kanyang sarili.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid