ILANG mga opisyal ng bagong ligang Countrywide Regional Basketball League (CWBL) ay nagpahayag ng kanilang reserbasyon tungkol sa napipintong pagpasok ng bagong koponang Cagayan Valley mula sa PBA D League.
Ito’y dahil sa desisyon ng PBA na pagbawalan ang coach ng Rising Suns na si Alvin Pua na maging coach uli sa D League dulot ng pagsapak niya sa reperi na si Ben Montero sa isang laro kamakailan.
Inirekomenda rin ng PBA sa Samahang Basketbol ng Pilipinas na huwag payagang maging coach si Pua sa ibang ligang hawak ng SBP.
Nagdesisyon ang Cagayan na umalis na sa D League pagkatapos ng Foundation Cup para lumipat sa bagong ligang itinayo ni Lipa.
Nakatakdang magsimula ang CWBL sa Hulyo ng taong ito at ipapalabas ang mga laro sa ABS-CBN Sports+Action Channel 23.
Ang nasabing liga ay halos pareho ang konsepto sa nabuwag na Metropolitan Basketball Association na itinayo rin ng ABS-CBN noon. (James Ty III)