TINUHOG ng Cleveland Cavaliers ang Atlanta Hawks, 118-88 upang sungkitin ang titulo sa Eastern Conference Finals ng 2014-15 National Basketball Association (NBA) kahapon.
Winalis ng Cavaliers sa apat na laro ang Hawks matapos kumana ng 23 puntos, siyam na rebounds at pitong assists si basketball superstar LeBron James para isampa ang Cleveland.
Umpisa pa lang ay ipinakita na ng Cavaliers ang kanilang pagiging aggresibo kaya pagkatapos ng isang quarter ay umabante na agad sila ng 12 puntos, 32-20.
Lumobo pa sa ito sa halftime nang itarak ng Cavaliers ang kanilang lamang sa 17 puntos, 59-42.
Bukod kay four-time MVPJames tumulong din sa opensa si J.R. Smith na may 18 puntos habang tig 16 puntos sina All-Star point guard Kyrie Irving at Tristan Thompson.
Kumamada naman sa Hawks sina Jeff Teague at Paul Millsap na may binirang 17 at 16 puntos ayon sa pagkakasunod.
Maghihintay na lamang ang Cavaliers ng makakaharap sa pagitan ng Golden State Warriors kontra Houston Rockets.
Nakatakdang maghatakan pababa ang Warriors at Rockets ngayong umaga (gabi sa America).
Tangan ng Warriors ang 3-1 bentahe sa Western Conference Finals at isa na lang ay maiaayos na nila ang kanilang Finals showdown laban sa Cavaliers.
ni ARABELA
PRINCESS DAWA