1-1 ang naging record ng Rain Or Shine sa mga larong ginanap ng PBA Governors Cup sa Dubai, United Arab Emirates.
Maganda ang naging simula ng Elasto Painters dahil sa tinalo nila ag Globalport, 119-112. Pero nabigo ang Elasto Painters na mawalis ang kanilang overseas assignments dahil sa natalo sila sa Barangay Ginebra, 93-81 noong Sabado ng madaling araw.
Kung tutuusin mo’y mas maganda ang record ng Globalport kaysa sa Barangay Ginebra.
Kung iyon ang pagbabasehan aba’y mas dapat na nagtagumpay ang Globalport.
Pero hindi iyon ang nangyari.
Ang ganda kasi ng performance ng Elasto Painters at nilamangan kaagad nila ng 18 puntos ang Batang Pier sa first half. Naghabol na lamang ang Globalport pero kinapos kahit pa nagtala ng career-high 40 puntos si Terrence Romeo.
Mas matindi ang naging kontribusyon ng ‘Extra Rice’ duo na sina Beau Belga at JR Quinahan na naging unstoppable sa endame. Si Quinahan ay gumawa ng 24 puntos at nagdagdag ng 12 si Belga.
Laban sa Gin Kings, hindi napigilan ng Elasto Painters si Japeth Aguilar na naglaro ng kanyang unang game sa torneo. Gumawa si Aguilar ng pitong sunod na puntos sa fourth quarter pang pangunahan ang breakaway ng Gin Kings.
Iyon ang ikalawang panalo ng Gin Kings sa limang laro. Mahaba-habang habulan ang gagawin ng Rain Or Shine upang makaiwas sa pagkalaglag sa katapusan ng single round elims. Ang huling apat na teams ay maagang mamamaalam.
Pero sanay namang humabol ang Elasto Painters. Ang mahalaga ay nakapagtala na sila ng panalo at hindi na sila bokya. Kahit paano’y medyo masaya sila sa kanilang pagbalik sa Pilipinas.
Ang Gin Kings ang pinakamasaya samantalang malungkot naman ang Batang Pier dahil dumayo pa sila sa Dubai para matalo!
ni Sabrina Pascua