NASIMOT ANG BANK ACCOUNT NI JOLINA PERO MAY PARAAN SI ALJOHN KUNG PAANO
Pero kadalasan, mas malaking halaga ang humuhulagpos sa kanyang mga kamay kaysa nakakabig na panalo.
“Inaalat tayo…” palatak ni Aljohn habang nagpupunas ng pawis sa noo.
“Uwi na tayo,” ang matamlay na nasabi ni Jolina sa binatang lover.
Nasimot ni Jolina ang mahigit isang mil-yong pisong idineposito ni Pete sa banko sa pangalan niya. Nakalaan iyon para sa mga pangangailangan ng anak na si Alyssa at sa biglaang mga gastusin ng kanilang pamilya. Sa mga katulad niya, sinasabing salapi ang nagpapainog sa mundo. At dahil sa kalagayang walang pera, nalimitahan ang mga dati niyang ginagawa. Manaka-naka na silang makapag-casino ni Aljohn. At ang ipinangsusugal na lang niya ay ang nakukupit niya sa badyet nila sa bahay sa araw-araw. Dumalang din pati na ang pagkikita nila ng binatang lover. Siya nga kasi ang namumuhunan sa kanilang mga pagde-date.
Nakipagtagpo si Jolina kay Aljohn sa isang coffee shop nang gabing iyon.
“Lalanggamin ang tiyan natin nito,” ang parunggit sa kanya ni Aljohn.
“Gusto ko lang magkakuwentohan tayo…” tugon niya.
“Wento-wentohan ‘ala wenta…” ngiti ng lover niya.
Napapakagat-labi siya.
“Purdoy ka, e madatung ang mister mo…” simpleng panunuya nito.
“Isasanla ko’ng kotse ko…” naisatinig niya.
“Cheap… Baryang-barya…” ang tawa ni Aljohn.
Natameme siya.
“Me naisip ako…At ‘pag umokey ka, malaki ang magiging pera natin,” sabi ng lover niya.
“Ano ‘yun?” aniya sa pagkamaang.
Kinabig siya sa balikat ni Aljohn. May ibinulong-bulong ito sa kanya. Ipinanlaki ng mga mata niya ang mga sinabi nito kung paano sila magkakapera nang malaki.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia