PUMASOK si Ariana Miyamoto sa Miss Universe Japan beauty contest makaraan ang isang mixed-race na kaibigan ay nag-patiwakal. At tiniis niya ang pambubuska matapos mapanalunan ang korona sanhi ng kulay ng kanyang kutis.
Sa kabila ng pami-mintas sa kanyang kulay, nanindigan si Miyamoto na kanyang gamitin ang bagong ka-tayuan bilang beauty queen para makatulong labanan ang racial prejudice—tulad na rin ng ginagawa ng British supermodel na si Naomi Campbell sa pagdurog sa mga balakid ng kultura na umiiral sa fashion isang henerasyon ang nakalipas.
“Matigas ang ulo ko,” pahayag ni Miyamoto, anak ng isang Haponesa at black American, na kamakailan lang ay nagdiwang ng kanyang ika-21 kaarawan.
“Handa naman ako sa mga kritisismo. Pero nagsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi ako nasaktan. Japanese ako—tumatayo ako at nagba-bow kapag sinasagot ko ang telepono. Pero iyong mga kritisismo ay nagbigay din sa akin ng extra motivation,” sinabi niya sa panayam ng AFP.
“Hindi ako nakaramdam ng anumang karagdagang pressure dahil ang dahilan ng paglahok ko ay dahil sa pagkamatay ng kaibigan ko. Ang layunin ko ay mapaangat ang awareness sa racial discrimination,” dagdag ni Miyamoto, na nakaranas din ng pambu-bully noong estud-yante siya sa port town ng Sasebo, malapit sa Nagasaki. “Ngayon ay may maganda na akong platporma para ihatid ang mensahe bilang kauna-unahang black Miss Universe Japan. Lagi namang mahirap maging first, kaya sa ganitong kalagayan ay kamangha-mangha rin ang nagawa ni Campbell.”
Kinalap ni Tracy Cabrera