BUKOD kay People’s Champ Manny Pacquiao, mayroon pa rin magagaling na Pinoy boxer na puwedeng idolohin ng sambayanan—nariyan si Eden Sonsona na kamakailan ay naging internet sensation matapos pabagsakin ang kanyang kalabang Mehikano sa kanilang super featherweight showdown sa San Luis Potosi, Mexico.
Nagpakita ng tapang sa paglaban sa mismong teritoryo ng kanyang kalaban, pinabagsak ni Sonsona ang mas malaki at tulad ni Floyd Mayweather Jr., na wala pang talo na si Adrian Estrella.
Isang malaking panalo ito para sa sumisibol pa lang na Pinoy boxer dahil sa pustahan at odds maker ay paborito si Estrella 40-1 para manalo sa sagupaan dahil na rin sa kanyang win-loss record na 21-0 na ang 20 ay puro knockout.
Sa pagtatala ng panalo, napaganda ni Sonsona ang kanyang ring record sa 34 na panalo at anim na talo at dalawang draw. Siya rin ngayon ang bagong pandaigdigang kampeon ng bakanteng World Boxing Council international silver super featherweight title.
Sa sagupaan nina Sonsona at Estrella, nagawang talunin ng Pinoy ang kalabang Mehikano matapos mapuruhan si Estrella sa kaliwang sentido at sinundan pa ng right hook na sumapol sa mismong baba ng kalaban.
Bumagsak si Estrella sa lona, sinubukang tumayo, ngunit napaluhod hanggang ipatigil na ng referee ang title fight.
Kinalap ni Tracy Cabrera