Nagwagi sa naganap na 2015 PCSO “Special Maiden Race” ang kalahok ni butihing Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos Jr. na si Caravaggio na pinatnubayan ng hineteng si Kelvin Abobo.
Sa largahan ay nauna sa lundagan sina Kelvin, subalit agaran na kumaripas sa gawing kanan niya ang may tulin na si Erik The Viking kasunod si El Nido Island. Pagdating sa unang kurbada ay bahagyang ibinigay muna ni Kelvin sa dalawa ang harapan, habang nasa tersero puwesto muna sila. Pagpasok sa singko oktabos (1,000-meters) na poste ay sinimulang hingan ni Kelvin si Caravaggio dahil baka makaporma ang nauunang kalaban na si Erik The Viking.
Pagsapit ng ultimo kuwarto (400-meters) ay bandera pa rin si Erik The Viking, subalit sa walang humpay na pag-ayuda ni Kelvin ay nakalapit na sila. Sa huling kanto ay nagkapanabayan na silang dalawa sa harapan, subalit sa tindi ng remate ni Caravaggio ay nagawa na nilang makalamang ng mga dalawang kabayong agwat pagtawid sa meta. Naorasan ang tampok na laban na iyon ng 1:30.5 (13′-24-25′-27′) para sa distansiyang 1,400 meters.
ni Fred L. Magno